Home Opinion God the Farmer

God the Farmer

255
0
SHARE

DALAWANG PUNTO lang ang mungkahi kong pagnilayan natin tungkol sa mga talinghagang narinig natin sa ebanghelyo ngayon. Una, ang Diyos ang magsasaka, ang salita niya ang binhi. Pangalawa, tayo mismo ay para ding mga binhi.

Simulan natin sa una. Ang Diyos ang magsasaka, ang salita niya ang binhi. Ito rin naman ang binigay na paliwanag sa naunang talinghaga dito rin sa chapter 4 ni San Markos tungkol sa iba’t ibang klaseng lupa na binagsakan daw ng mga binhing inihasik ng isang magsasaka. Na katulad din daw ng iba’t-ibang klaseng tagapakinig ng Salita ng Diyos. 

Binhi, lupa, paghahasik, pareho pa rin ang mga detalye ng kasunod na dalawang talinghaga na binasa naman natin ngayon, pero iba ang ipinupunto. Sa tingin ko para sa amin ang kuwentong ito, lalo na sa mga tagapangaral ng Salita ng Diyos. Na sa huling suma, ang tunay na magsasaka ay ang Panginoon. Nakikitrabaho lang kami. Ang tunay na magsasaka na nagpapalaki, nagpapatubo at nagpapabunga sa binhi ng salita ay hindi naman kami. Sabi nga ng talinghaga, matapos na maghasik ng binhi ang tagahasik, pwede na siyang matulog at maghintay. 

Hindi naman kami kundi siya—ang Diyos mismo—ang nagtatayo ng kanyang kaharian o nag-aalaga sa pananim. Siya talaga ang magsasaka. May papel nga kami pero hindi rin pala kami dapat masyadong maging mapapel na para bang depende na ang lahat sa amin. Na ang tahimik at kusang pagtubo ng mga binhi at unti-unting pag-usbong at paglago nito ay hindi na sa amin nakasalalay. May nangyayaring proseso na lampas sa imahinasyon nating lahat. Ang trabaho namin bilang mangangaral, ay ang maghasik at umalalay. 

Sabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa, “Ang mga lakad natin sa buhay ay dapat gabayan, hindi lang ng paningin kundi ng pananampalataya.” Kahit malinaw ang ating paningin, hindi lahat ay nakikita natin. Ang ibang mga bagay na magkakaroon ng kinalaman sa pagtubo at pagbunga ng naitanim, o sa maaaring ikasira nito ay lampas na sa atin. Hindi natin lubos na nakikita, pero napagmamasdan natin. Kung minsan ang sobrang pakikialam ay nakakasira din, nakakaistorbo at nakakapigil sa proseso ng pagtubo at pamumukadkad. Importante ang magkaroon tayo ng kababaang-loob na magmasid lang at tumanggap na hindi natin kontrolado ang lahat ng bagay. Kasabihan nga natin, pag ginawa mo na ang lahat, ang kasunod ay ipagpasa-Diyos na natin.

Ngayon naman, ang pangalawang punto: tayo mismo ay parang mga binhi rin. Pagmasdan ang isang binhi. Ang nakikita natin ay ang pabalat, pero ang tunay na importante ay nasa loob—ang hindi natin nakikita. Katulad ng palay. Ang binhi ay ang bigas na nasa loob. Na pwede palang mangyari kung minsan na ang inaakala mong palay, na mukha naman talagang palay ay wala palang laman; ito’y ipa na lamang. Akala ko noon lahat ng butil na inaani ng magsasaka ay palay. Ang iba pala ay ipa, hindi nagkakalaman dahil nagkulang sa pataba at patubig. Kapag tinahip hindi babagsak sa bilao, ililipad ng hangin dahil nga walang laman. Sayang pala ang pagod ng magsasaka kapag hindi nagkalaman ang palay niya. Parang tayo din—pwedeng tumubong parang palay na hindi nagkalaman sa loob kung nabuhay na walang layunin.

Sa ating ikalawang pagbasa, sinabi rin ni San Pablo “Malakas ang loob natin na lumabas sa ating kinalalagyan, upang magkamit ng gantimpala.” Parang inilalarawan naman niya ang palay na nagkalaman. Na ang susunod na hamon ay ang makalabas ang laman na ito—ang iba para magpakain at magpabusog, ang iba naman, para matanim at magbunga ng mas marami pang makakain. 

Ang naiisip ko dito ay ang sinabi rin ng Panginoon sa Juan 12, kung saan binigyan ng positibong kahulugan ang pagkahulog at pagkamatay: “Maliban lang kung ang butil ng trigo ay mahulog at mamatay, mananatili itong nag-iisa.” Ganyan nga naman ang misteryo ng pagtatanim. Ang pagkahulog at pagkalibing ng binhi ay bahagi ng proseso na kailangan mangyari para makalabas ang laman ng binhi upang tumubo, mamukadkad at magbunga. Sa una, tayong mga tao ay parang mga binhi rin, parang bigas na nakabalot ng ipa, nakakulong sa loob, nakatuon sa sarili. Ganyan naman ang tao sa una—naghahangad ng ikagaganap ng sariling kaligayahan, nagsusumikap na matupad ang pansariling layunin, makasarili ang dating. Hanggang sa matutong magmahal, maghangad ng layuning lampas sa sarili, natututong magparaya, magbigay, magbahagi, lumabas sa sarili. Kung kailan lumalabas sa sarili, mas lalong umuunlad ang pagkatao.

Dahil Father’s Day ngayon, iugnay natin sa karanasan ng lahat ng mga nagsusumikap na maging mabuting ama sa kanilang mga anak. Parang magsasaka din ang mga tatay. Hindi natatapos ang gawain nila sa paghahasik ng binhi kung saan-saan. Hindi naman lahat ng biological fathers ay natututong maging mabuting ama. Ako nga binabati rin ng Happy Father’s Day, kahit hindi ako biological father ninuman. Dahil father din ang tawag sa amin—mga alalay ng Diyos Ama, mga katulong ng tunay na magsasaka sa pagpapalago sa kanyang mga pananim upang ito’y magkalaman, mamunga nang sagana para sa kaharian ng Diyos. Sana huwag nating kalimutan sa araw na ito na pasalamatan ang Ama ng lahat ng mga Ama—ang Diyos na pinagmulan ng buhay nating lahat.

(Homiliya para sa Ika-11 Linggo ng Karaniwang Panahon, 16 Hunyo 2024, Mk 4:26-34)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here