Home Headlines Gob Fernando: Paglaya sa pandemya, malinis na halalan biyaya ng kalayaan

Gob Fernando: Paglaya sa pandemya, malinis na halalan biyaya ng kalayaan

680
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Muli nang nagkakaroon ng dahilan ang mga Pilipino partikular na ang mga Bulakenyo na magdiwang ng Araw ng Kalayaan ngayong 2022.

Iyan ang sentro ng mensahe ni Gobernador Daniel Fernando sa ginanap na programang pang-alaala sa patio ng simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos para sa Ika-124 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan.

Para sa Gobernador, pawang mga biyaya ng kalayaan na nagsisimula nang maramdaman ng mga Bulakenyo ang paglaya sa pandemya ng COVID-19 mula noong 2020.

Katunayan aniya, ang patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa Bulacan at maging sa maraming bahagi ng bansa ay nagbunsod upang muling makalabas ang karamihan sa mga tao mula sa kani-kanilang mga tahanan.

Nagbukas na rin ang ekonomiya kaya’t nakabalik na sa trabaho ang mga nahinto habang nagkaroon muli ng mapapasukan ang mga natanggal.

Ayon pa kay Fernando, ang halalan ay pakikipaglaban para sa kinabukasan ng lahi at salinlahi.

Gayundin, isang pagsasabuhay sa kalayaan ang pagdadaos ng isang halalan.

Kaya’t kinakailangan aniyang panatilihin ang kasegradohan nito na isang haligi at saligan ng kalayaang tinatamasa.

Ngayong natapos na ang halalan at naiproklama na ang mga inihalal ng bayan, binigyang diin naman ni outgoing Malolos City Mayor Gilbert Gatchalian na huwag magsawa at huwag tigilan ang pagbabayanihan para sa lalong ikagagaling ng bayan.

Hinikayat din niya ang mga karaniwang mamamayan na patuloy na lumahok sa pagbabayanihan, dahil ang pagtulong aniya ay gumagawa ng hakbang upang sumulong ang bayan kahit sa panahon ng kagipitan at hamon.

Kabilang ang simbahan ng Barasoain sa mga pangunahing makasaysayang pook sa Pilipinas na pinagdadausan ng mga tanging programang pang-alaala sa pangunguna ng National Historical Commission of the Philippines.

Isa itong pagkilala sa natatanging ambag nito sa pambansang kasaysayan. Dito niratipika ng Kongreso ng Malolos sa kanilang mga sesyon mula Setyembre 15 hanggang 29, 1898 ang proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898.

Ang ratipikasyon ay nagbigay ng bisa upang maibalangkas ang Saligang Batas ng 1899 na siyang nagbunsod upang mapasinaya ang Pilipinas bilang isang Republika noong Enero 23, 1899.

Ang selebrasyon ngayong taon ay may temang “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas”. (CLJD/SFV-PIA 3)

 

Itinuturing ni Gobernador Daniel Fernando na mas may dahilan na magdiwang ng Araw ng Kalayaan ngayong nagsisimula nang lumaya sa pandemya ng COVID-19 ang maraming mga mamamayan, at naidaos nang mapayapa ang Halalan 2022. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here