Kay Vice Gob Dennis at sa ‘ting mga Bokal
Nitong nakaraang ilang araw lamang,
Hinggil kay Attorney Cicero Punsalan
Na kung saan ating sa nasabing sulat
Inisa-isa ang bagay na marapat
Ibigay sa taong naglingkod ng tapat
Sa kanyang Kabalen bilang ‘public servant’
Pagkat tunay namang magpa-hanggang ngayon
Siya’y di nabigyan ng ‘due recognition’
Sa naging papel niya bilang Gobernador,
Gayong kwenta siya ang ‘lawful successor’
Ni Titong Mendoza nang lisanin niya
Ang pagka-Governor dito sa Pampanga
Para maging ‘Minister of Justice’ siya
At saka nga ‘Solicitor General’ pa
Ng pamahalaan noong kasagsagan
Ng ‘martial law’ at si Mendoza ang siyang
Kwenta kanang kamay rin ng Malakanyang
(At tunay naman ding makapangyarihan.)
Pero nang magbago ang ihip ng hangin
At tuluyang malansag ang ‘Marcos regime,’
Si Cicer Punsalan ay pinatalsik din
(Umano ng kampo yata nina Peping
Sapagkat tamang si Corazon Cojuangco
Ang nakapalit ni Apo sa Palasyo
Ay lumalabas na ang kapatid nito
Ang siyang nasusunod daw yata ang gusto?).
Pero sa puntong si Punsalan ay naging
Gobernador mismo sa probinsya natin
Yan ‘base on records’ ay di maitatangging
Kabilang si Cicer sa naglingkod sa’tin
Bilang Punong Lalawigan ng Pampanga
Pagkat tunay naman ding nahalal siya
Bilang ‘Vice Governor’ noon ni Mendoza,
Kaya si Cicer ang ‘lawful successor’ niya.
Kung si Edna David na naging ‘Acting’ lang
Na Gobernadora nang masuspende riyan
Sina Lapid at Clayton ay kinilalang
Lubos ang tungkuling kanyang ginampanan
Ito pa nga kayang tulad ni Cicero
Punsalan ang hindi natin maiwasto
Ang naging tungkulin niya sa Kapitolyo
Bilang bahagi ng kasaysayan mismo?
At ang iba’t-iba pa riyang indibidual
Na nagsilbi sa’ting Inang-lalawigan,
Upang sa araw ng bukas matunghayan
Ng mga susunod pang liping Mahalan!
Kaya kaugnay ng ating tanging hiling
Hinggil sa ‘correction’ ng ‘history’ natin,
Ang abang lingkod n’yo ay dumadalangin
Na sana’y mabigyan agad yan ng pansin
Ng pamahalaang lokal ng Pampanga
At ng ibang ‘historical society’ pa
Upang maitala ang dapat isama
Sa kasaysayan ang naging papel nila
Na kagaya nga ni Attorney Punsalan,
Na talaga namang marapat mabigyan
Ng rekognisyon sa naging katungkulan,
Bilang Gobernador (at hindi ‘Acting’ lang)!