(Karugtong ng sinundang isyu)
Yan ay panggigipit na maituturing
Para sa isang naging Pangulo pa mandin,
Pagkat ano’t hindi magawang hintayin
Ng mga yan ang siya’y tuluyang gumaling
Bago nila ito ipitin ng husto
Base sa kung anong posibleng ikaso
Na naa-ayon sa legal na proseso
Ng saligang batas ang magiging takbo?
At di gaya nitong akusasyon pa lang
Ay inaalisan na ng karapatan
Ni Leila de Lima at ng Malakanyang
Si Ginang Arroyo upang bumiyahe yan.
Eh bakit nang sina Senador Aquino
Ang nagkarun ng mas mabigat na kaso,
At ‘death by musketry’ pa ang hatol dito
Ng batas militar; at ‘affirmed-in-toto’
Ng ‘highest tribunal’ ang nasabing hatol,
Ay pinayagan pa ni Pangulong Macoy
Upang makaalis ng bansa si Ninoy
Para sa isang delikadong operasyon?
Samantalang dito ay mayrun din naman
Tayong ‘Heart Center’ na puedeng gumawa n’yan,
(Kaya lang si Ninoy walang tiwala riyan
Dahil kay Imelda raw ang ‘center’ na yan?)
Gayon din naman si Pangulong Estrada,
Na ‘plunder’ pa mandin ang naging kaso niya,
Pero ganun man ay pinagbigyan siya
Upang sa ibang bansa rin magpa-opera
Gayong animo ay natural na yata
Kay sir ang maglakad na paika-ika,
Dala ng tuhod niya na medyo mahina,
Kaya’t ang sakit ay di naman malubha
Na kagaya nitong dinaranas ngayon
Ni Arroyo na ni hindi makalingon,
At makaya niyang mag-isang bumangon
Ng walang alalay o kaya katulong.
Kaya ito pa ba ang hindi mabigyan
Ng pahintulot upang magamot ang kanyang
Napakabigat na uring karamdaman,
Na kung ilang ulit ng naoperahan?
(Pero hanggang ngayon ay di bumubuti
Ang kalagayan ng dating Presidente,
Na patuloy pa rin yatang tumitindi
Dala ng ‘ban’ na siya ay di makabiyahe).
Gayong kumpara kay Ninoy at Estrada
Ay wala pa sa kalingkingan kumbaga
Ang akusasyon ng mga ‘detractors’ niya
Sa naging kaso ng dalawang nauna.
Anong ‘graft practices’ mayrun si Arroyo
Para masampahan ng ‘plunder’ na kaso?
Sapat na ba ang pahayag ng kung sino
Upang alisan ng karapatan ito?
Na bumiyahe anumang oras naisin
Partikular na sa katulad po mandin
Ng dating Pangulo, na kung tutuusin
Ay dapat bigyan na kaukulang pansin.
Gaya halimbawa ng ginawa noon
Ni Macoy kay Ninoy, na tatay ni P-Noy,
At ni PGMA sa isang akusadong
Tulad ni Estrada kahit nakakulong!