Gerard Anderson nilaglag na ng Kimerald

    417
    0
    SHARE
    Hindi napigilang maging emosyonal ni Gerald Anderson sa presscon kahapon ng movie nila ni Kim Chiu na Till My Heartaches End nang magsalita siya ng nararamdaman tungkol sa kinahinatnan ng relasyon nila ng kapareha pati na rin sa kasalukuyang estado ng kanilang loveteam.

    Umiiyak na nag-open-up si Gerald sa entertainment press at inaming nasaktan niya ng maraming beses si Kim.

    “Ang dami kong binigay sa kanyang problema, heartaches, pero tinanggap pa rin niya ako,” naluluhang sabi ni Gerald.

    Sinabi rin ng aktor na alam niyang hindi niya mapapantayan ang lahat ng ginawa sa kanya ni Kim at hindi niya sinadyang saktan ang ka-loveteam at dating karelasyon.

    Naging mataas daw ang tingin sa kanya ng mga tao simula nang makatulong siya sa Ondoy victims at naging hero bigla ang tingin sa kanya na hindi puwedeng magkamali.

    “Nakalimutan po nila na tao rin ako, nagkakamali rin ako,” patuloy niya.

    Ikinalulungkot din ni Gerald ang pagkakahati-hati ng kanilang fans at marami sa mga ito ay nagagalit sa kanya.

    “Ang dami kong natatanggap na hate mails, kahit sa bahay ko, mga mahal ko sa buhay, nadadamay.”

    Ikinuwento ni Gerald na may tumawag sa kanyang ina at binantaang papatayin ang anak nito at anang aktor, ibang usapan na raw ito.

    Sa sobrang emosyon, kinailangang mag-excuse ni Gerald para umalis sandali sa stage na pinagdadausan ng Q&A, pero hindi na nakabalik pa dahil nag-hyper-ventilate na raw ito at napaligiran ng paramedics.

    Habang nagsasalita si Gerald, nakita rin ng lahat ang pag-iyak ni Kim and when aksed kung ano ang masasabi niya sa mga tinuran ng kapareha, naging emosyonal na rin ang young actress.

    “Gusto kong sabihin sa lahat ng tao na sana, maging okay ang lahat,” umiiyak na sabi ni Kim. “Kasi ako, okay ako. Ayoko ’yung papatayin si Bea (Alonzo), tatapunan ng asido, papatayin si Gerald. Ayoko ’yung ganu’n, eh.

    “Tanggapin na lang natin kung anuman ’yung mga nangyari. And sana, maging masaya tayo sa kung anuman ang nangyayari ngayon. Sana tanggapin natin na may mga personal kaming buhay,” madamdaming sabi ni Kim.

    Inamin din niya na talagang nahahati ang Kimerald fans na siyang ikinalulungkot ni Gerald.

    “Sa fans, alam ko na nasasaktan sila para sa akin. And nahaati nga sila, ’yan nga ang ikinalulungkot ni Gerald ngayon, na bakit nahahati sila nang dahil sa kanya? Hindi ko po sila masisisi kung ganu’n po ang opinyon nila.

    “Siyempre, nagpapasalamat ako dahil sumusuporta sila sa akin, inaalalayan nila ako sa bawat pinagdaraanan namin.

    “And ito lang ang gusto ko, sana balang-araw, maging okay and bumalik pa rin ’yung dati. Tama na ang gulo. Tama na ’yung hindi pagkakaintindihan dahil hindi na po maganda.

    “And salamat dahil nandiyan sila para sa akin, para alalayan ako. Sabi ko nga sa kanila, ’yung mga taong nagsasabi ng masama tungkol kay Gerald minsan, ako ’yung nasasaktan para sa kanya. Kasi tao rin naman siya, nagkakamali. Sana intindihin din natin siya,” pakiusap pa ni Kim.

    After the presscon, nakunan namin ng pahayag ang ilan sa Kimerald fans at anila, wala sa grupo nila ang nagbanta na papatayin sina Gerald at Bea at sasabuyan ng asido ang mukha nito.

    “Marami po kasi ang Kimerald fans, baka sa iba, pero kami, hindi namin magagawa ’yon,” ang pahayag ng mga miyembro.

    Pero inamin nilang si Kim na lang ang sinusuportahan nila ngayon. Kung bakit inilaglag nila si Gerald, ayaw na nilang sabihin pa although parang gusto nilang sabihing obvious naman kung bakit at ito ay dahil kay Bea na napapabalitang girlfriend ni Gerald.

    Ayon kay Direk Joey Reyes, hindi biro ang nangyayari dahil sa shooting, kailangan pa silang mag-hire ng mga pulis para masigurado ang kaligtasan ng mga bida since may threat nga na papatayin si Gerald.

    Magpapatuloy daw ang seguridad sa shooting hanggang sa last day, lalo pa nga’t sa Recto ang next location nila. The movie only has a few days to finish dahil sa Octber 27 na ito ipalalabas.

    Pero say ni Direk, siguro naman, hindi magagawa ng fans na totohanin ang banta nila.

    “Wala naman sigurong nagsabi na papatayin kita na papatayin nga. Pero siyempre, nakakasama ng loob, lalo na’t mga bata ’yan, may mga magulang, natatakot din. So, naloloka ako. Sabi ko nga, bakit ganito ang fans ngayon?”

    Pero sa tingin niya, matatapos niya ang shooting?

    “Ay, oo naman, matatapos naman ito nang matiwasay. Masaya kami actually sa set lalo na ’pag ganitong very pressured na may playdate, kailangang gawin mong masaya ang set para hindi mo nararamdaman ang pagod.”

    Bago kami umalis sa presscon, inalam namin sa manager ni Gerald na si Jun Reyes kung kumusta na ang young actor.

    Aniya, okay na ito’t hindi na kailangang dalhin pa sa ospital.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here