SA nakaraang episode ng Sarah G. Live, sinagot ng ina ni Sarah Geronimo na si Mommy Divine ang tanong kung totoo bang pinatigil niyang manligaw si Gerald Anderson sa anak niya.
Guests ang parents ni Sarah last Sunday at nagkaroon ng interview portion sa tatlo kung saan ay si Ai-Ai de las Alas ang nag-interview.
Sa unang bahagi ng interbyuhan, nagtanong ang fans ni Sarah at isa sa mga tanong ay kung sino ang nagpapatibok ng puso niya ngayon.
Matagal na hindi nakasagot si Sarah kaya nag-butt-in na si Ai-Ai at sinabing, “hindi n’yo pa ba alam, ano ba kayo? Para naman kayong mga ewan, alam naman ng lahat ’yun.”
Tumugtog sa background ang kantang It Might Be You at tanong ulit ni Ai-Ai, “’yan ba ang theme song n’yo ni Babe?”
Habang nagkakantiyawan, hindi naman namin maipaliwanag ang expression nina Mommy Divine at Daddy Delfin (father ni Sarah) although we can tell na parang hindi sila natutuwa.
Finally, sumagot na rin si Sarah.
"Siguro, ano, kung sino man siya, kailangan ng konting panahon para mapatunayan ko sa sarili ko kung totoo ang tinitibok ng puso ko o kung totoo rin ang tinitibok ng puso niya.
"Sabi nga, time will tell and ang gusto ko ay kung sino ang gusto ng Diyos para sa akin."
Ang hinihintay ng lahat ay nang tanungin na nga ni Ai-Ai kay Mommy Divine kung totoo ba ang mga naglalabasang isyu na pinatigil niya si Gerald sa panliligaw kay Sarah.
“Actually, kami nga ni Daddy ang nagbigay ng permiso na ligawan siya (Sarah) sa bahay,” sagot ni Mommy Divine. "Kinausap namin talaga siya (Gerald) nang pormal, na sabi ko, sa bahay lang puwede ligawan ang anak ko, hindi sa labas o sa text.
"Sabi ko, ‘kung mapapasensiyahan mo ang patakaran namin, ganito kami, nirerespeto ka namin, pero respetuhin mo rin kami. Kasi babae ang anak ko.’
"But ewan ko lang kung dapat sabihin, pero mukhang…" At this point, parang pinipigil ni Sarah ang nanay niya na magsalita at say nga ni Ai-Ai, “Parang kinukurut-kurot na ni Sarah ang nanay niya.”
"Pero kung hindi mapagtiyagaan ’yung ganu’n, wala kaming…,” patuloy ni Mommy Divine.
Pero hanggang dito na lang ang nasabi ng ina dahil hinalik-halikan na siya ni Sarah at halatang pinigilan na sa pagsasalita.
Mabilis namang nag-follow-up si Sarah at sinabing, "Hindi po, sa totoo lang talaga, hindi po ang mommy ko ang nagpatigil kay Gerald na manligaw. Wala.”
Well, sa mga sinabing ito ng mag-ina, malinaw na tumigil na nga ng panliligaw si Gerald.
Anyway, sa closing number ng show, kumanta si Sarah kasama ang mga magulang at dito ay humingi ng tawad si Sarah sa parents at sinabing sisikapin niyang sundin ang mga gusto ng magulang dahil alam niyang para sa kabutihan lang niya ang hangad ng mga ito.
“Darating din ’yun, anak, ’wag kang mag-alala, ibibigay sa ’yo ni Lord ’yun,” say ni Mommy Divine.
“Hindi naman ako nagmamadali, Ma, eh. Muntik lang,” say ni Sarah sabay yakap sa ina at napaiyak na.
What a touching scene. Mabait talagang anak si Sarah at ito ang labis naming hinahangaan sa kanya.
May point din naman ang mommy niya sa pagsasabing darating din ang tamang lalaki for her.