KUNG ang lahat na ng mga napapatay
na ‘pushers’ ng PDEA at kapulisan
ay kay Duterte isinisising panay
ng ‘anti’ sa kanyang ‘war on drugs,’ gaya r’yan
Nitong CHR at iba’t-ibang grupong
may pagka-suwail sa administrasyon,
at kung saan pati ‘lawful operation’
ng otoridad ay tila kinukwestyon.
At imbes suporta laban sa kampanya
ng ating Pangulo ang bigyang halaga
ay kabaligtaran itong sa kanila,
napakaliwanag na kalaban sila.
At kaya marahil malakas ang loob
ng mga tulak ng iligal na gamot
ay sanhi na rin ng itong nasa likod
ng enteblado ay makiling sa drug lords’?
Di ko sinasabing mayrung nalalagyan
kaya nangyayaring araw-arawin man
ang gawing pagtutok ng pamahalaan,
ya’y di basta mapahinto nang tuluyan.
At baka hanggang sa tuluyang bumaba
sa puesto si Digong di na niya magawa
na malansag, bagkus lalo pang lalala
kaysa sa dati kapag nagwalang bahala.
At kung ganyang tila kinukunsinti pa
nitong dapat sana’y sila ang manguna
sa ikatitino ng lulong sa droga
ay sila pa riyan ang malimit ay kontra.
Anong pagbabagong maaring asahan
ang nakararami nating kababayan
sa sistemang animo ay mga askal
itong sa pagkain ay nag-aagawan?
Na walang iniwan din sa ibang pulis
na maloko at madalas nanaig
sa utak nila ang di kanais-nais
nang dahil lang sa dami ng alagang ‘chicks’’
At para sila ay mayrung maitustos
sa bisyo, madalas ang damit na suot
bilang otoridad ito’y di na angkop
sa kinahinatnang buhay na magusot.
Tulad nitong iba na lumusong na rin
sa balon ng bagay na di ikagaling,
‘yan ano pang bukas nilang mararating
kundi bagkus ikatanggal sa tungkulin!
At ‘yan nang dahil lang sa di n’yan minahal
ang tungkuling dapat gampanan sa bayan
ng tapat, malinis at buong paggalang,
ngunit ang tinahak ay di ikarangal.
At kahit malaki na ang sueldo ngayon,
na dinoble halos ni Pangulong Digong
nang sa gayon di na maisip pa nitong
mahilig mangapit-bahay ang mangotong?
Pero nasikmura pa rin nitong iba
na ‘men in uniform’ ang gawin pa nila
itong sa daigdig ng bawal na droga
magpa-alipin at masilaw sa pera.
Panahon na upang ganap pagbabago
ang isulong upang ang ating Pangulo
ay di kabiguan ang kanyang matamo
matapos ang anim na taong serbisyo!