Gawing mahal ang bawal

    608
    0
    SHARE
    BAWAL ANG tricycle sa highway.

    Multa: P500

    No Helmet, No Travel
    1st Offense: P300
    2nd Offense: P500
    3rd Offense: P1,000

    Babalang nakapaskel sa kahabaan ng MacArthur Highway na naglalayong ipatupad ang mga batas trapiko at bigyan disiplina ang mga pasaway na nagmomotorsiklo at nagtatraysikel.

    Babalang walang kakuwenta-kuwenta, walang kangipin-ngipin sa kawalan ng pagsunod dito ng mga binabalaan; sa kahinaan, kundi man katangahan, dili kaya’y kawalan ng sigasig ng mga nagpapatupad dito.

    Nitong nakaraang Huwebes, sa pagbaybay ko ng MacArthur Highway mula tanggapan ng Punto! sa hangganan ng lungsod ng Angeles at San Fernando hanggang sa papasok ng St. Jude Village – 6:02—6:30 ng gabi – kabuuang 47 nagmomotor ang nakitaan ko ng paglabag sa kautusang No Helmet, No Travel. Ang higit na nakararami ay yaong mga mag-isang sakay na tanging buhok ang proteksyon sa ulo. Mayroon ding angkasan na bagama’t may helmet ang nagmamaneho ay wala naman ang nakaangkas. Mayroon pa ngang tatlo ang sakay ng single na motor at lahat ay walang helmet.

    Isipin na lamang: Kung sa loob lamang ng 28 minuto ay may 47 nang paglabag, ilan kaya ang sa loob ng isang araw, o sa kalahating araw man lamang.

    Sa 47 na lamang na aking namasdan, magkano na ang multang malilikom ng pamahalaang lokal? Suma total P14,100 sa mga first off enders pa lamang. Sa minimum wage na P330, kabuuang 42 kataong arawan na ang maaaring pasahurin nito.

    Nitong Martes lamang, mula naman sa St. Jude papuntang Punto! alas-11 y media hanggang bago magtanghali, tumigil ako sa kabibilang ng mga traysikel sa MacArthur Highway nang abutin ko ang 65.

    Muli, ilang traysikel, kabilang na ang mga kolong-kolong, ang bumabaybay dito sa loob ng isang araw?

    Muli, sa multang P500, kabuuang P32,500 na ang makokolekta mula sa 65 pasaway na ito.

    Sa flat rate na P32,500 bawat araw, ito ay aabot na sa tumataginting na P975,000 sa isang buwan, sa dumadagundong na P11,700,000 sa isang taon!

    Aba’y kayang-kaya na nitong pondohan ang departamento ng trapiko ng lungsod San Fernando.

    Hindi ko sinasabing habang panahon na lamang ay magiging ganito kalaki ang koleksyon sa pagpapatupad ng mga nasabing batastrapiko. Tiyak namang sa pagpapatupad – sa mahigpit at walang kinikilingang pagpapatupad – sa mga ito ay matuturuan na ng matinding aral ang mga pasaway at mababawasan na, kundi man ganap na mawawala, ang mga ito.

    Ang sa akin ay ipatupad ang anumang kalakaran o kautusang isinabatas. Isang kabalintunaan, isang karuwagan, isang kaistupiduhan sa panig ng tagapagpatupad kung ang pagpapairal sa batas ay nagsisimula at natatapos sa pagpaskel nito.

    Palasak nang kasabihan na “Masarap ang bawal.” Higit ang kasarapan ng anumang bawal kung walang anumang kaakibat itong kaparusahan.

    Sa ganitong pananaw, isa lang ang kasagutan: Gawing mahal ang bawal. Patawan ito ng mabigat na kaparusahan.

    Ang katanungan: Kaya bang tumindig mula sa likas na kahinaan sa pagpapatupad sa ganitong mga batas ang pamahalaang lungsod?

    O, abot man lang kaya ito ng kanilang kaisipan?

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here