Home Opinion Gawin na kung ano ang dapat

Gawin na kung ano ang dapat

856
0
SHARE

KUNG panakot lang at pawang pagbabanta
Itong sa bibig ni Pangulo ang tila
Higit na maugong kaysa isagawa
Ang nararapat na aksyon, bale wala.

At anumang nais isakatuparan,
Partikular ang pangakong binitiwan
Na hanggang ngayon ay di nasolusyonan,
Sanhi ng kawalang kaseryosan minsan.

Kaya ang resulta halos patapos na
Ang ‘terms of office’ n’yan ay nakabimbin pa
Itong marami sa ipinangako niya,
Na napako, kung di man kusang sinadya.

At itong iba pa na kanyang tinuran,
Na susugpuin ay nanatiling ‘usual’
At patuloy hanggang sa kasalukuyan,
Ang sa ganang atin ay dapat wakasan.

Gawin na, at hindi sa puro salita
Ipinaparating ang inaakala
Niyang makabubuti para sa’ting bansa
Bago tuluyang sa Palasyo bumaba.

Tulad halimbawa ng sa Abu Sayyaf,
NPA at ibang kilusang pang-labas,
Na noon pa man ay tila walang tiyak
Silang ‘advocacy’ kausapin dapat.

Marapat lamang na ang ating Pangulo
Hanapan lunas ang bagay na ito
Na isang matinding sakit na ng ulo
(Pati ng naunang ‘head of state’ dito).

Di sa ang Pangulo ating hinahamon,
Totohanin na ang balak na isulong
Na di man direktang ito ay ‘martial law’
Pero may malinaw at wastong direksyon.

At di tulad nitong parang sirang plaka
Ang dating sa tao ng sinasabi niya
Na paulit-ulit at di naman pala
Nitong kayang gawin, sabi nga ng iba.

Ang ipinangakong ‘Endo’ di natupad
At nanatili pang ‘contractual’ ang lahat
Ng mga baguhan na hindi pinalad
Masakop ng dati’y makataong batas.

Kung saan itong ‘security of tenure’
Ng kaawa-awa nating ‘labor sector,’
Nanatiling bale wala hanggang ngayon,
Gawan na niya dapat ng akmang solusyon.

Ang federalism, na aniya ay kanyang
Isusulong pero tayo’y pinagod lang
Sa pagsuporta sa panawagan nilang
Pagtipon-tipon sa Quirino Grandstand.

Para makinig kina Nur Misuari,
Robin Padilla at iba pang kalahi,
Na nagnanais na baguhin ang uri
Ng gobyernong naghahari ay salapi!

Kung saan tayo ay mula sa Luneta
Naglakad patungo diyan sa Mendiola
Para suportahan ang pagdedeklara
Ng pamamahala na lubhang kakaiba.

Kung saan umano ang mga inamag
Na sa puesto nila papalitan lahat
Ng bago, magmula ibaba, pataas
Para mabihisan itong Pilipinas!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here