Garcia nakakuha ng TRO

    530
    0
    SHARE

    BALANGA CITY- Sinalubong ng putok ng kwitis at malalakas na palakpakan noong Miyerkules ng takipsilim ang balitang nakakuha ng temporary restraining order (TRO) sa Korte Suprema si Gov. Enrique “Tet” Garcia at tatlong iba pang opisyal ng Bataan Capitol na pumipigil sa anim na buwang suspension order na ipinataw sa kanila ng Ombudsman.

    Kasama si Vice-Gov. Serafin Roman sa isang maliit na entablado sa Bulwagan ng Bayan, pahapyaw na binasa ni Garcia ang nilalaman ng  disisyon ng Kataastaasang Hukuman sa pasalit-salit na palakpakan ng mga taong sumugod sa kapitolyo.

    Pinasalamatan ni Garcia lalo na si Roman na hindi nagpilit na kunin ang pwesto ng gubernador kahit na ito’y  pinanumpa na sa tungkulin ng Department of the Interior and Local Government.

    “Salamat una sa Diyos, sa aking pamilya, sa mga abugado, mga punong-bayan at libu-libong nagtiis ng puyat at pagod at kay Bise-Gubernador Roman at ang ating hiling sa Korte Suprema ay agad na tinugon,” sabi ni Garcia.

    Ang TRO ay magkakabisa hanggang sa ma-resolba ang kasong grave misconduct, dishonesty at oppression na  hinaharap sa Ombudsman nina Garcia, provincial legal counsel Aurelio Angeles, provincial Treasurer Emerlinda Talento at dating capitol administrator Rodolfo de Mesa.

    Sa bisa ng TRO, si Garcia at mga kasamahan ay makababalik na sa opisyal nilang mga gawain simula ngayong Huwebes.

    Ang petisyon sa TRO at writ of preliminary injunction ay noong Lunes lamang isinampa sa Supreme Court ng grupo ni Garcia matapos na ito’y mabalam ng ilang araw sa Court of Appeals.

    Tuwang-tuwa naman ang mga babaing umano’y labing-isang araw na sumama sa barikada sa kapitolyo. “Sulit ang pagod,” sabi ng mga ito.

    Matatandaan na simula noonng ika-7 ng Nobyembre hanggang noong Lunes ay binarikadahan ng maraming mga tagatangkilik ni Garcia ang kapitolyo na gamit pa ang ilang dump trucks upang mapigilan ang anomang pagtatangka na suspindihin at palitan ang gubernador.

    Sa tulong ni Bishop Socrates Villegas, nagkaroon ng sinasabing “gentleman’s agreement” sina Garcia at Roman noong Lunes ng hapon kung kailan nagkasundong aliisin na ang barikada upang maalis na ang tensiyon sa kapitolyo.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here