Home Headlines Frontliners tampok sa Capitol Xmas tree

Frontliners tampok sa Capitol Xmas tree

751
0
SHARE

LUNGSOD NG BALANGA — Tampok ang mga frontliners sa matayog na Christmas tree na matatagpuan sa harap ng Bataan Capitol compound dito.

Replika ng life-size na mga kasapi ng Bureau of Fire Protection, Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police at mga health workers ang main attraction, ika nga, sa palamuting pamasko.

Nagniningning din ang center island sa pagitan ng Plaza Mayor at magandang katedral.

Sa background ay ang The Bunker, ang malaking gusali na kinaroronan ng mga opisina ng provincial government at ibang mga ahensiya ng pamahalaan.

Sa isang bahagi ng Capitol ground, may isang  katamtamang laking  belen na may tatlong maliliit na berdeng Christmas tree.

“Joy, Love, Peace, Hope, Believe at 1Bataan” ang gustong iparating na mensahe ng Christmas decoration.

Samantala, hitik sa kaakit-akit na pamaskong dekorasyon ang malaking plaza ng bayan ng Oraniganoon din ang harap ng municipal hall.

Maraming parol na nagsabit at nagliliwanag ang plaza dahil sa maraming LED lights.

Sa harap ng municipal hall, may isang mataas na puting Christmas tree na sa gilid ay may isang malaking Santa Claus. Nababalot din ng Christmas lights ang façade ng munisipyo.

Tila nagsilbing lugar ng bonding ng mag-aanak ang lugar na kung saan may makikitang kumakain, nagkukuwentuhan at naglilitratuhan. Marami ring batang naghahabulan at naglalaro sa plaza.

Waring pansamantalang nalimot ang pandemya sa saya sa paligid at tanging mga suot na face mask lamang ang nagpapaalaala na may coronavirus disease pang dapat harapin.

Paskong-Pasko na rin sa Plaza Mayor ng Balanga City dahil sa nagniningning at nakakaakit  na mga Christmas lights dito at sa paligid nito.

Mula sa mga halaman, binuo ang pangalang “Balanga City” at nilagyan ng maraming LED lights sa harap ng Plaza Mayor, tawag sa mismong plaza ng lungsod.

Ang mga poste, iba-ibang puno ay pinalamuutian ng maraming ilaw ganoon din ang Saint Joseph Cathedral, city hall, at tatlong malalaking business establishment – ang Center Plaza Mall, Plaza Hotel at Galeria Victoria.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here