‘Freedom of Information Bill,’ kusang ibinitin?

    411
    0
    SHARE
    Tayo man marahil ang may panukala
    Nitong naturang Bill na napariwara,
    Bunsod lang ng hindi pagsipot ng kusa
    Ng ilang Solon ay hindi matutuwa

    Pagkat imbes yan ay maratipika na
    Upang maging batas ay napurnada pa
    Nang dahil lamang sa kawalan nga nila
    Ng interes at/o pagpapahalaga.

    Sa naturang Bill na dapat maisulong
    Para maging batas sa takdang panahon,
    At kung saan ang “Freedom of Information”
    Ay mabisang lunas sana sa “corruption”

    At iba pang bagay na posible nating
    Matunton kung ito ay kakailanganin
    Para sa ika nga ay isang masusing
    Pag-himay sa anumang nais alamin.

    Mula sa alin mang tanggapang publiko
    Na hinihinalang may mga milagro;
    Ay di nagkabisa ng dahil siguro
    Sa puntong ito ay tinik sa gobyerno.

    At yan ay maaring maging daan pati
    Sa pagka-bisto ng nakatagong dumi
    Ng nakararaming “government agency”
    Na di maibukang mga kili-kili!

    Kaya di malayo na ang naturang Bill
    Ay posible nga pong kusang ibinitin,
    Ng ilang Solons na ubod ng gagaling
    Magtago kung kailan may marapat gawin..

    Gaya nitong dapat sana’y aprubado
    Na ang nasabing Bill kung ya’y nagsidalo
    Ay na-isantabi sa naturang punto   
    At nabale-wala na ngayon ng husto!

    Bunsod ng kung kailan pang-huling araw na
    Ng kanilang sesyon ay saka pa sila
    Kusang lumiban at umiwas kumbaga
    Upang ito ay di na maratipika.

    Puera na lamang kung isusulong pa rin
    Ng nagpanukala nitong naturang Bill,
    At ito’y pamuling bibigyan ng pansin
    Ng mga datihan at ng bagong dating

    Upang matalakay at yan ay tuluyang
    Maging batas laban sa katiwalian;
    Na madali-dali nating mahalukay
    Sa pamamagitan ng Bill na naturan.

    Sapagkat tanging “Freedon of Information”
    At/o malayang pag-hingi natin nitong
    Mga dokumento’t tamang inpormasyon
    Mula sa alin mang “public institutions”

    O “public offices” ang anumang bagay
    Na madali-dali nating malalaman;
    Liban sa iba pang mga katanungan
    Na marapat mabigyan ng kasagutan;

    Partikular na sa mga “media people,”
    Na kung saan ang “Freedom of Information”
    Ay mabisang armas at ng epektibong
    Daan nito upang madaling matunton;

    Ang anumang bagay na dapat mabatid
    Ng madla, mula sa ‘ting tagapag-hatid
    Ng responsable at walang halong gimik
    Na pagbabalita sa lahat ng saglit

    Nang sa gayon pati di tamang proseso
    Ng pagpapalabas sa perang gobyerno
    Ay napakadali na nating mabisto
    Sa pamamagitan ng batas na ito!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here