Freddie Aguilar di pa laos

    486
    0
    SHARE
    Sikat pa rin talaga si Freddie Aguilar. Tingnan na lang, konting pasakalye lang niya sa isyung unggoy sina Charice, Arnel Pineda at Gary Valenciano, nagging malaking kontrobersya ito. Kanya-kanyang taray ang tatlo sa pagsagot kay Freddie na lumabas sila’ng tunay na insecure at di si Freddie Aguilar.

    Well, may katuwiran at may lohika naman ang sinasabi ni Freddie. Gaya–gaya lang at di tunay na magaling ang sinoman sa mga ‘kalaban’ niya.

    To prove all these, pakinggan natin ang mga sinasabi at katuwiran ni Ka Freddie.

    “Magkita-kita kami nina Charice, Arnel at Gary. Hindi ko sila uurungan. Anong sinasabi nilang insecure ako? Hindi nila alam ang kanilang ginagawa. Kung naabot na ng mga ‘yan ang naabot ko, puwede pa. Sasabihin ko ngayon, kahit sabihing mayabang ako, marami na akong tinanggihan sa abroad na malalaking concert dahil ayaw nilang pakantahin ako ng Tagalog,” pasakalye ni Aguilar sa kanyang Ka Freddie’s Bar sa Malate, Maynila kamakailan.

    “Hindi naman ako galit kay Charice, kaya ba’t kami magbabati? Ang sabi ko lang, kung ako siya, Tagalog ang kakantahin ko kay Oprah Winfrey. Nagpasubali naman ako na okey lang kung hindi siya pinayagan ni Oprah na kumanta ng Tagalog. Kasi, malaki ang magnitude no’n. Kung Tagalog ang kakantahin niya, lalaganap ang wika natin. Hindi ‘yong nanggaya lang siya,” pahayag ni Ka Freddie.

    Ani Freddie, kaya nasasabihan ang mga Filipino singers na “monkey” o unggoy ay dahil sa panggagaya. “Hindi ko naman inaalis na kumanta sila ng Ingles pero kung may pagkakataon, i-promote natin ang wikang Filipino,” giit ng folk singer.

    “Wala rin akong sinasabing monkey o unggoy sina Charice. Ang sabi ko, may mga nagsasabi lalo na sa abroad na mga monkey at unggoy ang Filipino singers dahil hindi kumakanta ng sariling wika sa ibang bansa,” paglilinaw niya.

    “Magagaling sila, oo, pero paano natin maitataguyod ang sariling wika sa musika? Si Florante raw ang tunay na Filipino singer at nagmamahal sa wikang Filipino at makabansa. Kumpare ko si Pareng Boy (palayaw ni Florante), pero alam ba nilang American citizen na ‘yon? Hindi ba nila alam na Marcos loyalist si Florante?” tanong ni Ka Freddie.

    Iminungkahi rin ni Aguilar na mag-Tagalog si Arnel. “Maanong i-suggest niya sa mga kasama niya sa Journey na kahit isang song, sa Tagalog. Siya pa ang mas gagayahin,” sabi ni Aguilar.

    Bakit aniya si Brandon Vera, isang Fil-Am na martial artist, ay alibata ang naka-tattoo sa katawan?

    “Si Gary, no’ng nagsisimula pa siya, sinabihan ko rin ‘yan na ‘wag gayahin si Michael Jackson sa pagsayaw at si Al Jarreau sa pagkanta. Kasi, malakas na ang dating ni Gary pag inilagay mo siya sa ibabaw ng stage at hindi na niya kailangang manggaya pa,” katwiran ni Ka Freddie.

    Nilinaw din ni Aguilar na mula nang sumikat ang “Anak” ay siya ang hinahanap ng mga record producer mula sa ibang bansa para pakantahin ng Tagalog version nito. “Paano ako mai-insecure kung 27 languages na ang version ng ‘Anak’? At 53 countries na ang may gusto nito?”

    “Mabuti at binuksan ko ang ganitong diskusyon. Mabuti at sumagot sila. Kasi, para lumiwanag ang isip nating mga Filipino,” wika ni Freddie.

    Siya aniya ang lumalabas na kontrabida dahil pag-asenso sa pera ang nakabuntot kina Charice at Arnel kaya maraming kampi sa mga ito.

    “Okey lang na kontrabida ako kung makakatulong na lumiwanag ang isip nating mga Filipino,” katwiran niya.

    Sa totoo lang, walang nalalaos na artista—tumatanda lang at dahil sa marketing at paniniwala na mas sariwa ang bata—kaya ang tulad ni Freddie ay hindi malalaos lalo na at matalento.

    Tunay na may mga bagong dugo pero ang pagsisilbi sa taumbayan ang mas mahalaga at ang pagka-makabayan, pagkamaka-Diyos at pagka-makatao ay walang pagkalaos.



    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here