LUNGSOD NG ANGELES — Kanya-kanya ng pagbusina sa ginawang unity ride bilang protesta ang nasa 250 food riders ng ibat-ibang delivery platforms sa Pampanga para ilabas ang kanilang mga hinaing gaya ng mababang delivery fare.
Nitong Miyerkules ay nagtipon ang mga miyembro ng United Delivery Rider of the Philippines-Pampanga Chapter at umikot sa mga pangunahing lansangan sa lungsod habang nagsisipagbusina bilang pagpapakita ng kanilang hinaing sa mga kinakaharap na usapin sa hanapbuhay.
Ito daw ang kanilang paraan para ipakita ang kanilang pagkakaisa para pakinggan sila ng mga delivery platforms at gobyerno.
Ayon kay Mark Larson, event organizer, sa halip na tumaas ang kanilang fare sa delivery ay bumaba pa ito sa kabila ng marami na ang nagpapa-deliver ng mga pagkain gamit ang delivery food platforms.
Habang tumatagal aniya ay bumababa pa ang kanilang incentive gayong tumataas naman ang bilang ng kanilang mga booking.
Dati aniya ay nasa P900 ang kanilang incentive ngunit ibinaba na lang ito ngayon sa P700 at nadagdagan pa ang kanilang oras sa trabaho dahil nadadagdagan ang mga booking.
Bukod sa mababang kita, ang masakit pa aniya na kung naaksidente sila ay naka-charge pa rin sa rider ang natapon na pagkain o sa mga pagkakataong sila ay nahohold-up ay sila din ang nagbabayad ng natangay na pera.
Bukod sa usaping ito ay apektado din ang kanilang kita ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at maintenance ng motorsiklo na halos doon na rin lang napupunta ang kanilang kinikita.
Tutol din aniya ang mga delivery platforms sa kanilang itinatag na unyon na para sa kanila ay malaki namang tulong para magkaroon ng collective bargaining agreement para sa isang employee-employer relationship.
Kung magiging ganap na kasi silang empleyado ng mga delivery food platforms ay magkakaroon na sila ng permanenteng kita at mga benepisyo.
Sa gitna nito ay nananawagan sila na sana ay maipasa na sa Senado ang batas na isinusulong na poprotekta sa interes nilang mga riders.