PALAYAN CITY – Bumubuo ngayon ng isang food council ang pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija upang makatulong sa mga magsasaka na mabawasan ang negatibong epekto ng rice tariffication law.
Ayon kay Vice Gov. Anthony Umali, ang konseho ay kabibilangan ng iba’t ibang sektor na may kaugnayan sa agrikultura kabilang na ang kinatawan ng mga magsasaka.
Batay sa plano, ayon kay Umali, ay maglalaan ang Kapitolyo ng P300 milyon upang mamimili ng palay mula sa mga magsasaka sa presyo na mas mataas kaysa umiiral sa merkado.
Magtatayo rin ng ricemill ang gobyerno upang ang bigas ay maipagbili sa mga institusyon ng pamahalaan o pribadong sektor, ayon sa opisyal.
Target ng pamahalaang panlalawigan ng makakilos ang konseho bago pa dumating ang anihan sa buwan ng Oktubre ngayong taon.
“Kailangang matulungan ang ating mga kababayang magsasaka,” sabi ni Umali.
Pinangangambahan ng mga magsasaka na posibleng bumagsak pa sa P8 kada kilo ng palay sa panahon ng anihan. Kung magkakaganon ay sigurado ang kanilang pagkalugi.
Sa kasakuyan ay naglalaro sa P12 hanggang P13 kada kilo ang tuyo at malinis na palay sa pribadong pamilihan.