Flower, repair shops inararo ng truck
    Driver patay, 4 grabeng sugatan

    325
    0
    SHARE

    MARIVELES, Bataan- Patay ang driver samantalang kritikal ang asawa niyang buntis at malubhang nasugatan ang tatlong taong natutulog sa flower shop at auto repair shop matapos araruhin ang mga ito ng 10-wheeler truck na kargado ng soya beans alas- 9 ng gabi ng Martes sa kahabaan ng Roman Superhighway sa Mt. View, Mariveles, Bataan.

    Nakaipit sa kanyang truck at patay na si Arnold dela Cruz ng General Tinio, Nueva Ecija. Kritikal naman ang kanyang asawa na kabuwanan. Sa tawag sa Bataan General Hospital, napag-alaman na nagsilang by caesarian section ang babae ng isang babaing sanggol.

    Dalawang tauhan ng auto repair shop at isa mula sa St. Peter Funeral Parlor  ang malubhang nasugatan.

    “Narinig ko na lamang ang malakas na kalabog at pagbangon ko, nakita kong inararo ang flower shop ng St. Peter at katabing auto repair shop,” sabi ni Rex Gaspar, tauhan ng St. Peter Funeral Parlor.

    Ayon kay Jonas Guevarra, rescue worker ng Mariveles 24 Hours Satellite Clinic sa Cabcaben, Mariveles, agad silang rumisponde bandang alas-9:15 ng gabi at nakita nga nilang sinalpok ng malaking truck ang auto repair shop at kongkretong flower shop.

    “Nagkalat ang maraming debris at medyo nahirapan kami pero agad naming naisugod sa ospital ang apat na sugatan, kabilang ang babaing buntis,” sabi ni Guevarra.

    Bali ang kaliwang binti ng isa, bali ang dalawang binti at hita at may sugat sa bayag ang pangalawa samantalang may malaking laceration sa ulo ang pangatlo, sabi ni Guevarra.

    Ang babaing buntis naman umano ay unconscious at may massive brain injury.

    Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here