Imahen ng Mahal na Birhen. Mga larawang kuha ni Ernie Esconde
SAMAL, Bataan – Ipinagdiwang ng Iglesia Filipina Independiente o Aglipayan Church ang Santacruzan at pagtatapos ng Flores de Mayo sa isang simpling motorcade na lumigid sa kabayanan dito Linggo ng hapon.
Maririnig ang dasal sa Mahal na Birhen mula sa nangungunang sasakyan na sinusundan ng iba pang mga sasakyan na lulan ang mga bulaklak, Reyna Elena, Banal na Krus, at imahen ng Birheng Maria.
Nasa isang hiwalay na sasakyan din ang isang maliit na krus na karaniwang tampok sa mga Santakruzan.
Sinabi ni Fr. Roderick Miranda, IFI–Samal parish priest, na ang ginanap na Banal na Misa Linggo ng umaga ay bilang pagdiriwang sa kapistahan ng Santalo/Santisma Trinidad at ng Flores de Mayo at Santacruzan.
Ang mga nagsisimba ay nag-alay ng mga bulaklak sa Imahen ng Birheng Maria na itinuturing na Reyna ng mga Bulaklak o Virgen De Las Flores.
Pinaalalahanan ng butihing pari ang lahat na sumunod sa health at safety protocols upang maligtas laban sa coronavirus disease.