Si Gov. Daniel Fernando nang inspeksyunin ang nasirang rubber gate ng Bustos Dam. Kuha ni Rommel Ramos
BUSTOS, Bulacan — Nasira noon pang unang linggo ng Mayo ang isa sa anim na floodgate ng Bustos Dam halos dalawang taon lamang matapos na ito ay sumailalim sa P1-billion rehabilitation kaya’t nais ng mga lokal na opisyal na magsagawa ng imbestigasyon.
Nagsagawa ng occular inspection si Gov. Daniel Fernando, kasama ang ilang opisyal sa Bustos Dam.
Aniya, nais niya ang lahat ng rubber gates ay palitan na rin dahil kung nasira agad ang isang rubber gate, sa pananaw niya ay pare-pareho na lamang ang lahat ng kalidad ng bagong rubber gate na ikinabit.
Sa ngayon, ang nasirang rubber gate ay pansamantalang kukumpunihin ng contractor habang aabutin pa ng anim na buwan bago dumating ang pampalit na rubber gate mula sa bansang China.
Depensa aniya ng contractor na kaya nasira ang nasabing rubber gate ay dahil sa mga pako at mga bubog ng bote na tumatama dito.
Paliwananag naman ni NIA administrator Bong Visaya, dati ay Bridgestone ang gumawa ng rubber gate ngunit ngayon ay nagsara na ang nasabing kumpanya kung kaya sa China na nakakuha ng supply ang contractor.
Gayunpaman, kahit saan pa aniya gawa ang rubber gate ay basta pumasa ito sa kanilang quality parameters ay okay naman ito kaya para masiguro sa kalidad ng rubber gate ay ite-test pa muna nila ito sa Singapore o sa Australia sa Hulyo bago ikabit sa Bustos Dam.
Una dito, nanawagan si Vice Gov. Wilhelmino Sy-Alvarado na magsagawa ng comprehensive investigation.
Batay sa privilege speech ni Alvarado noong June 4, naglaan ang national government ng P1 billion para sa rehabilitasyon ng Bustos Dam na isinagawa noong 2016 hanggang 2018.
Aniya, ang anim na flood gates ay napalitan ngunit nitong unang linggo ng Mayo ay numipis ang Floodgate No. 5 kayat lumalabas na wala pang dalawang taon ay bumigay na.
Dahil dito ay nais ni Alvarado na imbestigasyon kung may kapabayaan ang quality control division ng National Irrigation Administration dahil maraming maapektuhan sa pagkasira ng floodgate lalo na kapag pumasok na ang tag-ulan.
Samantala, ilan naman sa mga residente mula sa bayan ng Calumpit at Hagonoy ang nangangamba sa kanilang kaligtasan dahil sa mga pagbaha kung sumapit na ang tag-ulan at nananatiling sira ang isa sa mga floodgates ng Bustos Dam.