HABANG PAULIT-ULIT na binabaha ang mga bayan sa Pampanga at iba’t ibang bahagi ng bansa, isa na namang mas mabigat na katanungan ang bumabalot: ang bilyong pondo ba para sa flood control ay tunay na nagliligtas ng mamamayan, o nagiging “fund control” lamang ng iilang makapangyarihan?
Sa nakaambang muling pagbuhay ng P611-milyong kaso laban kay dating Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., muling sumiklab ang usapin ng conflict of interest, anomalya, at umano’y pagkopo ng proyekto ng sariling pamilya. At sa gitna ng bulung-bulungan na nais pa raw niyang maging Kalihim ng DPWH, lalong lumulutang ang tanong: proyekto ba ito para sa bayan, o negosyo para sa iilan?
Kung seryoso ang gobyerno sa paglilinis, hindi dapat hanggang salita lang ang kampanya laban sa katiwalian.
Ang lifestyle check na iniutos ni Pangulong Marcos Jr. ay mahalaga—ngunit dapat itong palawakin. Hindi puwedeng opisyal lang ang sisilipin; dapat kasama ang asawa, mga anak, at kamag-anak na madalas nagsisilbing tagapagtago ng yaman at ari-arian at kasama sa maluhong pamumuhay na hindi kayang ipaliwanag ng sahod ng isang lingkod-bayan.
Sa mga kasong tulad ng isinasampa laban kay Gonzales, malinaw na ang negosyo at politika ay kadalasang nagtatagpo sa loob mismo ng pamilya. Kaya kung hindi isasama ang buong household at network ng kamag-anak, mananatiling butas at walang bisa ang anumang lifestyle check.
Samantala, habang pinagdedebatehan ang mga kaso at imbestigasyon, hindi mapapasinungalingan ang realidad sa kalsada: lubog pa rin ang maraming bayan sa baha. Sa kabila ng bilyon-bilyong pondong inilaan, tila wala pa ring malinaw na solusyon.
Kaya nga’t nagbukas ng sariling imbestigasyon ang Senado upang busisiin ang mga flood-control project—kasama na ang mga ghost project, paboritong kontraktor, at mga proyektong hindi tugma sa aktwal na pangangailangan ng mga komunidad.
Ang tanong ng taumbayan: hanggang saan aabot ang imbestigasyon na ito, at may mananagot ba sa dulo, o mauuwi na naman sa palabas at press release?
Sa huli, simple lang ang hinihingi ng bayan: Pananagutan!
Hindi Promosyon!
Hindi Palusot!
Hindi Delay!
Habang ang mga ordinaryong pamilya ay nakikipagsapalaran tuwing bumabaha, may mga pamilyang tila patuloy na nakikinabang mula rito. Kung nais ng administrasyong Marcos Jr. na patunayan ang “Bagong Pilipinas,” ngayon ang pagkakataon.
Ipakita na walang makakalusot—opisyal man, asawa, anak, o kamag-anak. Sapagkat kung hindi mapapanagot ang mga nasa poder, mananatiling “fund control” ang flood control, at patuloy tayong malulunod—hindi lamang sa tubig, kundi sa kawalan ng katarungan.