Fireworks display, tampok sa pagtatapos ng Singkaban Fiesta

    411
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS – Naging makulay ang huling araw ng isang linggong Singkaban Fiesta sa Bulacan at sa pagtatapos nito kagabi ay isinagawa ang spectacular fireworks display.

    Naghihiyawan sa tuwa ang mga manonood sa bawat pasiklab ng mga kalahok sa naturang kumpetisyon na nagmula sa ibat-ibang bahagi ng bansa.

    Ibat-ibang mga kulay at mga paputok ang pumaimbabaw sa himpapawid na nagbigay sigla sa huling gabi ng Singkaban Fiesta.

    Ayon kay Jerry Cagingin, namahala ng naturang kumpetisyon, kakaiba ang presentasyon ng mga kalahok kagabi sapagkat ang mga ito ay computer operated na at may kasabay pang saliw ng musika.

    Aniya, ang taunang fireworks competition na ito ay upang panatilihin ang imahe ng Bulacan bilang fireworks capital ng bansa at makahikayat din sa ganitong tourism event.

    Bawat kalahok ay tumatagal ng halos sampung minuto sa kanilang presentasyon na nagkakahalaga ng P200,000 ang gastos sa ginamit na mga paputok at pailaw.

    Sinaksihan din ni Sen. Dick Gordon ang naturang kumpetisyon.

    Ayon kay Gordon, saludo siya sa galing ng mga Bulakenyo sa pag-gawa ng mga paputok kaya’t Bulakenyo din umano ang kanyang ginamit sa WOW Philippines fireworks sa Intramorus Manila.

    Ilan sa mga kalahok kagabi ay nagmula pa sa Dumaguete, Quezon City, Valenzuela City, Meycauyan City, Sta. Maria at Bocaue

    Ang nagwagi sa aerial fireworks competition ay ang St. Michael fireworks mula sa Meycauyan, ikalawa naman ang EMB fireworks sa Bocaue at ikatlong pwesto ang Don Miguel fireworks ng Quezon City.

    Ang taunang kumpetisyon na ito ay sinimulan sa Bulacan mula pa noong taong 1997.

    Ayon kay Caguinguin, mas malaki pa kung tutuusin ang gastos sa paglahok sa taunang patimpalak kumpara sa papremyong inihanda ng kapitolyo ng Bulacan ngunit ang prestihiyosong parangal aniya ang mas higit na naghihikayat upang ang mga ito ay lumahok sa kanilang kumpetisyon.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here