LUNGSOD NG MALOLOS –Sana ay huwag magkakasunog sa aming bayan. Ito ang panalangin ng mga residente ng magkatabing bayan ng Guiguinto at Balagtas sa Bulacan ngayong buwan ng Marso kung kailan ginugunita ang fire prevention month.
Ang panalanging ito ay may kaugnay na sa kalagayan ng mga firetruck sa dalawang bayan. Ngunit hindi ito dahil sa walang lamang tubig, sa halip ay luma na ang mga firetruck at laging may sira.
Batay sa paglalarawan ni Guiguinto Municipal Administrator Edilberto Cruz, ang firetruck ng kanilang bayan ay matanda na dahil sa ito ay 45 taon na. Ang firetruck naman sa bayan ng Balagtas ay nabili noong 1997 at palagiang sira.
Katunayan, noong nakaraamng taon, nagkasunog sa Guiguinto Elementary School na katapat lamang ng munisipyo ng Guiguinto at agad na rumesponde ang mga bumbero dala ang firetruck. Ngunit ilang minuto na sa sunog ang fi retruck ay hindi pa nakapagbuga ng tubig dahil sa nasira ang water pump.
“Kasalukuyan po naming ipinakukumpuni ngayon,” sabi ni Cruz sa isang panayam ng Radyo Bulacan nitong Miyerkoles patungkol sa 45 taong firetruck na ayon sa mga residente ay dapat nang ilagay sa museum.
Gayunpaman, sinabi ni Cruz na may isa pa silang firetruck, ngunit ito ay may kaliitan, kaya’t hindi sapat ang tubig sa pag-apula ng malalaking sunog. Bilang isang primera klaseng bayan, sinabi ni Cruz na sa unang termino ng kanyang kapatid na si Mayor Ambrosio Cruz noong 1998 hanggang 2001 ay nakapagpundar ang bayan ng isang malaking firetruck.
Ngunit sa panahon ng administrasyon ni dating Mayor Isagani Pascual mula 2007 hanggang 2013 ay nawala ang firetruck. Kinumpirma din ito ni Mayor Cruz sa isang panayam noong Miyerkoles. Binigyang diin pa niya na nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Interior and Local Government upang mapagkalooban ng firetruck.
Bukod dito,nakikipag- ugnayan din ang pamahalaang bayan sa mga lokal na negosyante upang makabuog isang volunteer fire brigade na makakatulong sa Bureau of Fire Protection ng bayan.
Sa katabing bayan ng Balagtas, nagpahayag din ng pangamba ang mga residente dahil sa kalagayan ng kanilang firetruck. Ito ay dahil daw sa laging sira ang firetruck ng Balagtas. Noong nakaraang taon, rumesponde sa isang grassfire ang nasabing firetruck at ilang daang metro na lamang ang layo sa grassfire ay tumirik pa.
Ang kalagayang ito ay nasaksihan pa ng mga TV crew ng isang television network na nagcover sa nasabing grassfire. Ayon sa pamunuan ng BFP Balagtas laging nasisira ang makina ng kanilang trak.
Dahil dito, lagi silang nagsasama ng isang mekaniko sa bawat pagresponde upang makumpuni agad ang trak at mapatakbo at matiyak na makakarating sa sunog.