Ang ilan sa firecracker stall na pinayagan na itinayo sa Malolos hanggang bago maghatinggabi ng Bagong Taon. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS CITY — Nabawasan ang mga firecracker stalls sa MacArthur Highway sa Barangay Bulihan dito na taunang nagsisimula ang pagtitinda mula ika-29 hanggang ika–31 ng Disyembre.
Mula sa dating 29 stalls ay 13 na lang ngayon ang narito, ayon kay Jonjon Santiago, tindero ng paputok.
Nakakaapekto din sa kanilang pagtitinda ang curfew. Dati ay nakakapagtinda sila ng 24-oras ngunit ngayon ay hanggang alas-12 ng hatinggabi na lamang.
Sa ngayon ay matumal pa aniya ang bentahan at umaasa sila na lalakas ito hanggang bago maghatinggabi ng January 1.
Hiling sana nila sa Pangulong Duterte na i–regulate na lamang ang paputok at huwag nang gawin na total ban.
Tradisyon na aniya ito tuwing sasapit ang Bagong Taon at iyon lamang ang kanilang hanapbuhay.
Ayon sa tindero na si Ronilo Mendoza, wala naman siyang magagawa kung talagang i–total ban na ang paputok
Magtatayo na lamang umano siya ng sari–sari store bilang alternatibong hanapbuhay kung magkagayon.
Samantala, ayon sa Malolos Bureau of Fire Protection, hindi permanente ang mga itinatayong stalls dito na yari lamang sa mga tent na babaklasin din matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Kailangan ay may nakahanda dito na mga drum ng tubig, fire extinguisher at buhangin na gagamitin bilang pamatay sunog sakaling may magaganap na aksidente ng pag-apoy o pagsabog.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang paninigarilyo sa lugar lalo na malapit sa nga tindang pailaw at paputok.
Nagpa-alala din sila nakailangan ay masunod ang minimum health protocol sa lugar gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield at physical distancing.