SUBIC, Zambales — Isang lalaki ang inaresto ng mga tauhan ng Barangay Peace Action Team (BPAT) na nagbabantay sa inilatag na ECQ control point sa Barangay Mangan-Vaca dito dahil sa kawalan ng quarantine pass.
Nagpakilala pa umano ang lalaki na kawani ng Land Transportation Office ngunit walang ano man itong naipakitang ID o dokumentong magpapatunay nito.
Laking gulat ng pulisya nang malamang ang kanilang nahuli ay may iba pang mga kasong kinakaharap.
Sa ulat na ipinadala ni Subic PNP chief Major Gilbert Diaz kay Zambales provincial police director Col. Ponce Rogelio Peñones, Jr., kinilala ang suspek na si Govin Quebral y Vento, 47, residente ng Purok 5, Barangay Beddeng, San Narciso, Zambales.
Matapos na maaresto at madala ng mga tauhan ng BPAT ang suspek sa pulisya, nagdatingan ang ibat-ibang biktima ng suspek hinggil sa ginawa nitong pambubudol-budol umano.
Sa imbestigasyon, napag-alaman mula sa kanyang mga nabiktima na si Quebral ay nagpapakilalang supplier ng bigas at hinihingan ng pera ang kanyang biktima at nagbibigay ito ng maling address at gumagamit ng ibat-ibang pangalan.
Batay sa rekord ng pulisya, ang suspek ay may mga nakabinbing ng kaso na estafa at may lumabas nang tatlong warrant of arrest mula sa MTCC ng San Marcelino-Castillejos, Zambales; dalawang warrant of arrest mula sa RTC Branch 69, Iba, Zambales; at tatlong warrant of arrest sa 4th MTCC, Moncada, Tarlac.
Ang suspek ay detinido ngayon sa Subic Municipal Police Station detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 3 ng Executive Order No. 9; Section 9 (d) ng RA 11332; Article 151 ng the RevisedPenal Code; usurpation of authority; at apat na large scale estafa.