HIGIT ang posibleng sa kabila riyan
nitong maigting na ipinaiiral
na ‘social distancing’ at ECQ, hayan
ang dami pa rin ng nagkakahawaan.
Sanhi nang kawalan riyan ng respeto
ng iba sa dapat sunding reglamento,
na mas madali pang turuan ang aso
kaysa ibang sobra ang tigas ng ulo.
Gaya ng alam nang bawal sige pa rin
ang pagsuway nila sa di dapat gawin,
isa riyan ang hinggil sa ‘social distancing,’
na simpleng bagay lang di magawang tupdin.
Kaya nga kung di rin lang kamay na bakal
ang instrumento na gawing pamatok d’yan
ng gobyerno, lalo sa mga millennial,
ya’y di basta mapasunod ng sino lang.
Idagdag pa riyan ang simpleng pangungusap
di maintindihan ng mahirap kausap,
sakit ng ulo ng ilang otoridad,
gayon din ng medyo ‘poor’ ang mentalidad.
Isa sa panig ng nagpanukala riyan
ng kung anong ngayon ay pina-iiral
na sa ganang atin di makatarungan
ay itong ‘quarantine pass’ na pinamigay;
na eksklusibo lang para sa isang tao,
gaya nitong sa isang pamilya, kung tatlo
ang magkasambahay, di dapat siguro
na itong ‘quarantine pass’ ay eksklusibo;
Na nakapangalan para sa isa lang,
kundi sa lahat na ng magkasambahay;
papano kung itong isa tyempo namang
nilagnat, sino ang maaring utusan?
Na mamalengke o bumili ng gamot
at iba pang bagay kung ganyang di ayos,
itong pamalakad na medyo baluktot,
kung ni isa man ay di pwedeng kumilos?
Di dapat sa isa lamang sa kanila
nakapangalan ‘yan kundi pampamilya,
o sa ‘head of the family’ kumbaga,
nang maiwasan ang magulong sistema?
Ang iniiwasan lamang natin
ay itong posibleng dumami ang ating
inaalagaan sa ‘enhanced quarantine,’
pero pareho lang kung pasuriin.
Simpleng ‘Arithmetic,’ di pa ba malaman
na ang suma nito ay iisa lamang?
Ano namang klaseng kukote mayrun d’yan
ang awtor ng ganyang uring panuntunan?
Para ma-‘minimize’ ang sakop kumbaga
ng ‘lockdown’ sa Luzon, may mga lugar na,
di na apektado ng ‘virus,’ di pa ba
puedeng sa listahan ay ietse puwera?
At gawing ‘selective’ pati sa ibang bayan
ang ‘ECQ’ para lalong mabawasan
itong kumbaga ay pinapastulan
ng mga ‘frontliners,’ sa puntong naturan?
Subalit ‘extensive’ ang pagpapatupad
sa lahat ng lugar, nang sa gayo’y ganap
nang ‘madedbol’ itong virus na pahamak
sa lahat ng dako, di lamang sa Pinas!