Home Headlines Exhibit ng mga santo ginaganap sa Bataan

Exhibit ng mga santo ginaganap sa Bataan

1654
0
SHARE

SAMAL, Bataan Iba-ibang mga Imahen ng santo ang matatagpuan ngayong Biyernes sa simbahan ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) dito at sa St. Joseph Cathedral, Katolikong simbahan sa Balanga City.

Ang mga imahen ng IFI ay nakahilera sa isang exhibit sa gilid sa loob ng Aglipayan Church samantalang makikita naman sa gilid sa labas ng katedral ang mga imahen ng Katoliko.

Sinabi ni Debie Dela Rosa, IFISamal parish secretary, na ang exhibit ng mga poon ay tatagal hanggang Biyernes.  

“Tradisyonal na taon-taon ginagawa ito at matagal at matatanda na ang mga poon na iba-iba ang may-ari. Ito rin ang ginagamit sa mga prusisyon na ipinagbabawal muna ngayon dahil sa pandemic,” sabi ni Dela Rosa.

“Dahil bawal ang prusisyon at mga big church gathering ay naisipan ng parish priest na si Fr. Ernie De Leon na sa halip na magkaroon ng prusisyon ay ilabas na lamang ang mga alagang poon at imahen ng bawat pamilya na isinasama sa Mahal na Araw upang kahit papaano ay makatulong sa mga tao para magnilay, magdasal. Pamalit ito sa prusisyon, sabi ni Allen Bangug, parish manager ng St. Joseph Cathedral.

Ayon kay Bangug, iba-ibang pamilya ang may-ari ng mga imahen ng santo na kanyang kinausap kung payag na isama sa exhibit ang mga poon.

Bubuksan, aniya, ng pormal ang exhibit sa Lunes Santo at magtatapos sa ika-4 ng Abril o Easter Sunday.

Sa kanilang listahan umano ay 23 imahen na ang kabilang sa exhibit ngunit marami pa raw nagpapasabi ng kagustuhang mapasama ang kanilang poon.

Samantala, pinapurihan naman ni Samal tourism officer Genel Llanes ang mga camarero o mga tagapangalaga ng mga poon sa nasabing bayan.

Ang pagiging camarero ay minanang tradisyon sa ating mga ninuno na may malalim na pagpapahalaga sa pagpapakasakit ni Hesukristo hanggang sa pagkabayubay nito sa Krus ng Kalbaryo,” sabi ni Llanes.

Kabilang na rin umano dito ang mga taong nakasama niya tulad ng  kanyang mga apostoles, mga kababaihan, kanyang mga pinagaling at binuhay at ito ay pagbibigaypugay din sa mga lihim na tagasunod ni Hesus.

Sinabi ni Mayor Aida Macalinao na dapat papurihan natin ang mga bagong henerasyon ng mga camarero na nagtataguyod at nangangalaga sa kultura at tradisyong ito, maging Katoliko man o Aglipayano,” sabi pa ni Llanes.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here