KUNG totoong batid na nina Magalong
at Aaron Aquino ang hinggil sa isyung
ibinibintang kay Abayalde ngayon,
eh bakit hindi pa ibinulgar noon?
Na ito palang ating pinagmamalaking
kabalen ay mayrung tinatagong lihim
sa likod ng suot niyang unipormeng
kagalang-galang at walang bahid musing.
Nakapagtatakang noon pa ma’y alam
na pala ng mga ‘whistle blower’ na ‘yan,
ano’t ngayon nga lang nila ibinulgar
matapos ang anim na taong nagdaan?
Kung saan anila ay pinagtakpan ba
ni Abayalde ang mga tao niya
sa kunwa ay “buy bust” na ginawa nila
at ini- ‘recycle’ na natiklong droga?
Hindi sa siya’y ating ipinagtatanggol
sa kung ano pa mang naging akusasayon,
na naging ugat ng kanyang ‘resignation,’
(liban sa maari niyang ikakulong).
Kundi ang atin ay paglilinaw lamang
kung bakit ngayon nga lang ibinulgar n’yan,
at itinaon pa mandin kung siya’y kailan
retirado na siya sa susunod na buwan.
Na posible nating masabing venggasa
ang kay Abayalde ay ginawa nila,
dahil kung kailan ay pa-‘retire’ na siya,
saka inilaglag nga nitong dalawa.
Kung totoo ang kanilang alegasyon
na hiniling niyang huwag muna umanong
kasuhan ang tao niya’t gawing demosyon
na lang ang parusa sa ‘ninja cops’ na‘yon
Sana, kinastigo na siya ora mismo
at idinawit sa isyung ‘agaw bato,’
kung tunay ngang kwenta kinunsinte nito
ang mga tao niya sa gawang di wasto.
Di katulad nitong kung kailan pababa
na siya sa tungkulin ay saka ‘yan bigla
nilang kastiguhin sa di matingkala
at walang katumbas na pagkapahiya.
Na hayan, nang dahil sa isyung naturan
napilitang magbitiw sa katungkulan
ang taong animo ay isang kriminal
na isinalang sa tribuna ng bayan.
Ang kahinaan nga lang ni Abayalde
ay kung bakit pagbibitiw agad bale
ang naisip bilang hepe ng PNP,
kaysa ipaglaban na siya’y inosente;
Sa bintang na siya ay nabahaginan
ng mga ninja cops sa ‘agaw bato’ n’yan
na umano nga ay inire-‘recycle’
dito sa Pampanga mismo ng mga ‘yan.
At sana, tunay na justisya kumbaga
ang mangibabaw at hindi ang kagaya
ng ala ‘kangaroo court’ itong hitsura
r’yan ng kay Ka Oca ginawang pagbista!
Tayo’y may Ombudsman at Sandigangbayan
kung saan ang mga ‘government offi cial’
marapat bistahin kung kinakailangan,
eh bakit sa Senate iginigisa ’yan?!