Ex-CJ Puno tinanggap ang trabahong P1 ang suweldo santaon

    312
    0
    SHARE

    NORZAGARAY, Bulacan—Pormal na tinanggap ni dating Punong Mahistrado Reynato Puno ang pagiging legal consultant ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) kung saan ay susuweldo siya ng piso sa loob ng isang taon.

    Ito ay sa kabila na ang humalili sa kanya bilang punong mahistrado na si Renato Corona ay sumasailalim sa impeachment trial kung saan ay inakusahan na nagtatago ng milyon-milyong piso, bukod pa sa depositong dolyar sa bangko.

    “This is a P1 a year job,” ani Puno matapos na lumahok sa isang inspeksyon sa ipo Dam watershed noong Huwebes, Pebrero 16.

    Kasama niya sa nasabing pagsisiyasat sa watershed si Gerado Esquivel, ang administrador ng MWSS at si Grace Padaca, ang dating gobernador ng Isabela.

    Bilang dating punong mahistrado, si Puno ang magsisilbing legal advisor ng Integrated Watershed Management System (IWMS) ng MWSS, kung saan ay pangunahin niyang trabaho ay lumikha ng legal na batayan para sa IWMS.

    Bahagi nito ay ang konsolidasyon ng iba pang batas na tumutukoy sa pangangalaga sa watershed, at pagbuo ng koordinasyon sa ibat-ibang ahensiya na nangangalaga sa watershed.

    “It’s payback time,” ani Puno patungkol sa kanyang bagong trabaho.

    Iginiit niya na siya ay naging mapalad sa paglilingkod sa gobyerno at malaki ang naitulong nito sa kanya.

    Hinggil naman sa pangangalaga sa watershed, sinabi ni Puno na bahagi ito ng kanyang personal na adbokasiya.

    Sa kanyang panungkulan bilang punong mahistrado ng Korte Suprema, ang paglilingkod ni Puno ay namarkhan ng “judicial activism.”

    Siya ang nanguna at gumabay sa Korte Suprema sa pagbuo ng Writ of Habeas Data, Writ of Amparo at Writ of Kalikasan.

    Ang Writ of Kalikasan ay itinuturing na kauna-unahan sa mundo.  Ito ay nagtatakda ng mga proseso sa pagsasampa ng kaso sa mga lumalabag sa batas pangkalikasan.

    Dahil sa Writ of Kalikasan, sino man, indibidwal man o samahan ay maaaring magsampa ng kaso sa Korte Suprema hinggil sa mga gawaing nakakasira sa kapaligiran at kalikasan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here