Ex-barangay kapitan pinagbabaril, patay

    486
    0
    SHARE

    CABANATUAN CITY – Namatay kaagad sa anim na tama ng bala mula sa cal. 45 pistola ang isang dating barangay kapitan matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang mga suspek sa Central Transport Terminal, dito kahapon.

    Nakilala ang biktimang si Joel Fernando, 26, dating punong barangay ng DS Garcia ng lungsod na ito, ay  nakikipag-usap sa kalihim ng Nueva Ecija Mini-bus and Jeepney Operators and Drivers Association (NEMIJODA) na si Rolandpo Mercader bandang alas 11:50 ng umaga nitong Lunes nang pagbabarilin ng mga suspek na naka-motorsiklo.

    Ang biktima ay kasalakuyang pangulo ng pederasyon ng mga tsuper at may-ari ng mini-bus at jeepney sa lalawigan ng Nueva Ecija

    Katatapos lamang umanong managhalian ng biktima ng maganap ang pamamaslang. Wala namang nakakilala sa mga salarin dahil kapwa naka-helmet ang mga ito. Naka-jacket naman ng fatigue ang bumaril, ayon sa ilang saksi.

    Labis ang pagtangis ni Olive Fernando, ina ng dating opisyal, dahil sa pangyayari. Aniya, pangulo pa lamang ng Sangguniang Kabataan sa DS Garcia ang biktima ay nagpakita na ito ng katangi-tanging pagkalinga sa kanilang mga ka-barangay.

    “Sayang. Napakarami pa niyang dapat magawa sa kapwa,” ani Aling Olive. Aniya, kahit hindi na naka-posisyon ay namahagi pa ng mahigit 400 relief goods ang kanyang anak sa kasagsagan ng bagyong “Falcon” kamakailan.

    “Tatlo na lang ang anak ko, binawasan pa,” hinanakit pa ng ginang. Si Fernando ay tumakbong muli sa pagka-kapitan noong nakaraang eleksiyon subalit hindi na pinalad na manalo.

    Paniniwala ng ina, masyado siyang na-intriga ng mga kalaban sa pulitika. Isinugod pa sa lokal na opsital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival.

    Ayon sa pulisya, patuloy ang kanilang ginagawang imbestigasyon upang malaman ang posibleng motibo sa likod ng pamamaslang. Pero si Aling Olive ay naniniwalang pulitika ang dahilan ng pagpatay sa kanyang anak.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here