Home Headlines Ex-Anakpawis solon, 6 kasama nagpiyansa sa kasong paglabag sa ECQ, inciting...

Ex-Anakpawis solon, 6 kasama nagpiyansa sa kasong paglabag sa ECQ, inciting to sedition

938
0
SHARE

Sina dating Anakpawis Partylist Rep. Ariel Casilao (kanan) at ang anim na relief volunteers matapos makapagpiyansa. Larawan mula sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas



NORZAGARAY
, Bulacan — Naglagak na ng piyansa para sa pansamantalang kalayaan si dating Anakpawis Party-list Rep. Ariel Casilao at anim na relief volunteers tatlong araw matapos silang arestuhin ng pulisya dito sa kasong paglabag sa Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act at Revised Penal Code na Inciting to Sedition.

Ayon sa pulisya, ang anim na miyembo ng Anakpawis na sina Karl Mae San Juan, Marlon Lester Gueta, Robero Medel, Eriberto Peña Jr, Raymar Guavez at Tobi Estrada ay sinampahan ng mga kasong inciting to sedition at violation ng RA 11332 habang si Casilao ay sinampahan ng mga kasong paglabag sa RA 11332 at usurpation of authority.

Ang pito ay nakalaya matapos na maglagak ng piyansa na nagkakahalaga ng P30,000 sa kada kaso ng inciting to sedition, P3,000 kada paglabag sa RA 11332 at P30,000 para naman sa usurpation of authority.

Nauna ditto, sinabi ni Casilao na nagsasagawa na ang kanilang grupo ng relief operations magmula nang ipatupad ang Luzon lockdown at kumpleto sila ng mga kaukulang dokumento kayat hindi sila lumalabag sa Bayanihan to Heal as One Act.

Pinabulaanan din niya ang akusasyon ng inciting to sedition dahil legal na mga dokumento ang dala ng mga inaresto dahil ito ay mga printed article lamang ng mga lehitimong media outlet.

Hindi rin aniya siya nagpapanggap na isang otoridad dahil ang kanyang pagpapakilala ay bilang isang dating miyembro ng House of Representatives ng Anakpawis Party-list na nanungkulan noong 2016 hanggang 2019.

Ayon pa kay Casilao, sila ay kritiko lamang ng gobyerno at ito naman ay kanilang karapatan sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine.

Matatandaan na unang naaresto ang anim na mga relief volunteers noong Lunes habang sakay ng isang jeepney patungo sa Barangay Bigte, Norzagaray ng parahin ng mga otoridad sa checkpoint at walang maipakitang quarantine pass at iba pang kaukulang mga dokumento.

Nang inspeksyunin ng Norzagaray police ang sasakyan ng grupo ay doon nakita ang mga umanoy anti-government materials at 50 relief packs.

Ayon pa sa pulisya, matapos na maaresto ang anim ay agad na dumating sa himpilan ng pulisya si Casilao para saklolokhan ang mga naaresto at nagpakilala bilang incumbent congressman ng Anakpawis Party-list ngunit nang beripikahin ay nabatid na hindi na ito nakaupong mambabatas sa kasalukuyan kaya ito ay agad ding inaresto.

Samantala, nagtungo naman noong Martes sa himpilan ng Norzagaray police ang kinatawan mula sa Commission on Human Rights Region 3 para sa kanilang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa naturang insidente.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here