Pinagtulung-tulungan ng mga residente ng Sitio Corocan, Barangay Lipay Dingin-Panibuatan, Iba, Zambales na maiaahon sa dagat ang bumagsak na Cessna 152, RP-C1739. Kuha ni Johnny R. Reblando
IBA, Zambales — Himalang nakaligtas sa kamatayan ang piloto at student pilot ng All Asia Aviation Academy nang ang sinasakyang Cessna 152 na may rehistrong RP-C1739 ay bumagsak sa baybayin ng Zambales, may 15 metro mula sa pampang ng Sitio Corocan, Barangay Lipay Dingin-Panibuatan, sa bayang ito kamakalawa ng hapon.
Ayon sa ulat ng pulisya kinilala ang piloto ng eroplano na si Capt. John Paul Merrera, 34-anyos at residente ng Commonwealth, Quezon City at student pilot, Divyan Mahimdran, 19-anyos, isang Nepalese National.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, habang nasa himpapawid ang eroplano ay bigla na lamang huminto ang makina nito kung kaya nagpasya ang piloto na pabagsakin na lamang sa dagat sa halip na sa mga kabahayan.
Nabatid na nagtamo naman ng ilang galos sa katawan ang piloto at estudyante nito at nasa ligtas nang kalagayan.
Naiahon sa dagat ang eroplano matapos na ito ay pagtulung-tulungan ng mga residente sa lugar.
Ayon kay Rodolfo Ubaldo, OIC Civil Aviation Authority of the Philippines, kita nito nang lumipad ang eroplano at hindi pa man ito ay narinig na nitong nagloko ang makina, sinubukan aniya ng piloto na ibalik subalit hindi nito nakayanan kung kaya sa dagat na lamang ito bumagsak.
Payo ni Ubaldo sa mga piloto, sana kapag masama na ang panahon ay huwag nang magpalipad ng eroplano.
Ani Ubaldo nagsisimulang magpalipad ng eroplano mula alas 7 ng umaga hanggang 4 ng hapon.
Ang All Asia Aviation Academy ay may 11 eroplano at 46 na estudyante karamihan ay mga dayuhan gaya ng Indian, Malaysian, Nepalese at Russian.
Sinabi naman ni Capt. Carlos Alves, accountable manager at training director ng All Asia Aviation Academy na laging sumasailalim ang kanilang eroplano sa mahigpit na inspection bago ito lumipad sa himpapawid.
Pinaiimbestigahan na ng pamunuaan ng All Asia Aviation Academy sa Civil Aviation ang piloto at isasailalim din sa inspection ang makina ng eroplano para matukoy ang sanhi ng pagbagsak ng eroplano.