Home Headlines EO 62 inaasahan ng magsasaka na babawiin sa SONA

EO 62 inaasahan ng magsasaka na babawiin sa SONA

296
0
SHARE
Ang farmer leader na si Simeon Sioson habang ipinapaliwanag ang masamang epekto sa kanila ng EO 62. Kuha ni Rommel Ramos

SAN MIGUEL, Bulacan —- Umaasa ang mga magsasaka na babawiin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) mamaya ang Executive Order no. 62 na nagpapababa sa taripa ng mga imported na bigas.

Ayon kay Simeon Sioson, chairman ng San Miguel Municipal Farmers Action Council, umaasa sila na sa mismong SONA ay babawiin ni PBBM ang naturang kautusan at hindi na ito ipatutupad dahil ito ay maituturing na anti-farmer at anti-economy.

Paliwanag niya na kung papasok sa bansa ang mga imported rice na may mababang taripa ay hindi na kayang makipag kumpetensya pa dito ng mga magsasaka dahil wala nang miller o trader na bibili ng kanilang mga palay.

Parusa aniya ito sa mga magsasaka na hindi na kayang makipag-compete sa merkado dahil hindi naman nila maibaba ang presyo ng palay dahil naman sa mataas na production cost sa pagtatanim gaya ng pataba, pestesidyo at krudo.

Taliwas aniya ang EO 62 sa hangarin ng presidente na tumaas ang production ng local farmers dahil kapag dumagsa na ang imported rice sa merkado ay hindi na kikita ang mga magsasaka.

Sa halip na suportahan ng pangulo ang local agriculture ay mas sinusuportahan pa niya ang mga foreign farmers dahil pagpapababa ng taripa ng mga imported na bigas, dagdag pa ni Sioson.

Bukod dito ay reklamo din ni Sioson ang kakulangan ng NFA ng kahandaan sa pagbili ng mga palay dahil itinaas nga aniya ang buying price ng palay sa P30 kada kilo pero hindi naman handa ang pasilidad ng NFA sa San Miguel kung saan ay nagbabayad pa ang mga magsasaka ng P16 kada kaban ng palay para sa yagyag na magtitimbang ng kanilang mga binebentang palay.

Sira kasi umano ang truck scale ng NFA sa San Miguel mula noon pang nakaraang taon. Dahil dito ay nag-uunahan ang mga magsasaka para lang makapagpatimbang sa NFA at tinitiis ang dagdag gastos sa yagyag kaya dapat aniya ay agad na magawa ang truck scale dahil magsisimula na naman ang anihan sa buwan ng Setyembre.

Sinabi pa ni Sioson na marami pa ang nawawala sa mga magsasaka sa ganitong sitwasyon gaya ng dagdag gastos sa yagyag at katakot-takot na mga problema sa pagbebenta gaya ng bayarin sa manpower at transportation.

Bukod doon ay wala din aniyang kasiguruhan kung mabibili ng NFA ang kanilang palay dahil sa dami ng mga proseso sa pagbili at pahirap din ang paraan ng pagbabayad.

Kayat kahit mas mababa ang bili ng mga traders sa palay ay doon na lang ito binebenta ng mga magsasaka para makaiwas sa maraming aberya sa pagbebenta ng palay sa NFA.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here