Kaugnay ng programang inihanda, sisimulan ito sa ika-anim ng umaga sa pamamagitan ng parada ng mga mag-aaral na magmumula sa paaralan ng Malolos Central patungong simbahan na susundan ng pagtataas ng watawat ng Pilipinas.
Pangungunahan ni Senador Enrile ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Hen. Emilio Aguinaldo kasama rin an sina Gobernador Jonjon Mendoza at iba pang mataas na lokal na opisyal dito sa lalawigan.
Bilang panauhing pandangal, inaasahang tampok sa mensahe ni Enrile ang kahalagahan ng pagkakatatag ng unang Republika makalipas ang higit isang daang taon at ang kahalagahan ng pagkakaroon ng matatag na republika sa kasalukuyang panahon kung kailan nararamdaman ang pangmalawakang krisis pinansyal.
Ang kauna-unahang Republika ng Pilipinas ay itinatag noong Enero 23, 1899 sa bisa ng kautusan na pinalabas ni Heneral Emilio Aguinaldo, ang nanumpang pangulo ng kauna-unahang republika.
Ginanap ito dalawang araw matapos pasinayaan ng Kongreso ng Malolos ang konstitusyon noong Enero 21, 1898.
Bahagi rin ng programa, ang pagkakaloob ng aklat at handog sa panauhing pandangal na ipagkakaloob ng National Historical Institute sa pangunguna ni G. Ludovico Badoy, patnugot tagapagpaganap ng Pambansang Suriang Pangkasaysayan.