Home Headlines Energy farm, poultry ipinasara

Energy farm, poultry ipinasara

411
0
SHARE
Binibigyan ng pagkakataon na ma-harvest muna ang kasalakuyang kargang mga manok ng poultry farm bago tuluyang ipasasara ng LGU. Contributed photo

PEÑARANDA, Nueva Ecija — Isang kumpanya ng renewable energy at isang poultry farm ang magkasunod na ipinasara ng pamahalaang lokal dahil sa di-umano’y mga paglabag sa batas.

Ang ipinasara ay ang SP New Energy Corp. sa Barangay Callos at ang Beavans Poultry Farm sa Barangay Sinasajan, kapwa sa bayang ito.

Batay sa closure order na nilagdaan ni Mayor Joselito Ramos noong ika-29 ng Enero, lumabag umano sa masusing imbestigasyon at inspeksyon ng local government unit na walang anumang kaukulang permit para mag-operate ang SP New Energy.

Ito ay paglabag sa Section 16 ng RA 7160 (Local Government Code of 1991), ayon sa kautusan.

Sa panayam ay sinabi ni Ramos na napakarami nang puno ang pinuputol sa “libu-libong ektarya” na “ginagalaw” ng kumpanya sa kanilang bayan ngunit walang anumang permiso itong pinanghahawakan.

May mga heavy equipment na rin umanong inabutan sa lugar ang mga kawani ng LGU na nagsagawa ng inspekyon. Kahit sa barangay ay hindi umano kumuha ng permiso ang kumpanya.

Kabiguang magpatupad ng maayos na sanitasyon at puksain ang pesteng langaw ang sanhi naman ng pagpapasara sa poultry farm, batay sa hiwalay na kautusan.

Lumabas daw sa tuloy-tuloy na inspeksyon ng Task Force ALIS (Anti-Langaw Infestation Services) na hindi maayos na napupuksa ang mga langaw sa poultry farm.

“It is likewise observed that the presence of fly infestation (poor sanitation inside or outside the poultry or piggery building thus violating Presidential Decree No. 856 promulgated the Code of Sanitation of the Philippines),” ayon sa closure order.

Nilabag din umano ng kumpanya ang Municipal Ordinance No. 76 series of 2023 na nag-uutos sa mga may-ari ng poultry at piggery farms na “strictly implement the proper fly control measures.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here