Empleyadong masisibak sa NFA, tutol sa EO 366

    474
    0
    SHARE
    LUNGSOD NG MALOLOS——Hindi lamang ang mga empleyado ng Intel Corporation sa Cavite ang apektado ng mass lay off, kundi maging ang 800 empleyado ng National Food Authority (NFA).

    Ito ay ayon na rin kay Eduardo Camua, direktor ng NFA Employees Association. Dagdag pa niya,  nakatutuwang isipin na nagsusumikap ang gobyerno upang makalikha ng mga hanapbuhay, ngunit maging ang mga empleyado ng NFA, ang ahensyang pang-siguridad ng pagkain, ay nanganganib ring mawalan ng trabaho.

    Batay sa mga dokumento, aabot sa 800 empleyado ng NFA ay makakatanggap ng notice of redundant /abolished position na nakasaad sa Executive Order 366 o ang Government’s Rationalization Plan na naglalayong mapababa ang gastusin sa operasyon ng gobyerno.

    Sinabi ni Camua na 78 empleyado mula sa Gitnang Luzon at 32 mula sa Bulacan ang mapapatalsik sa NFA sa mga susunod na buwan.

    Ayon pa kay Camua, may mga empleyadong apektado na malapit na sa kanilang retirement age, ngunit ang iba ay wala pa sa takdang edad upang magretiro.

    Aniya, walang masama sa retirement, ngunit hindi maganda ang alok na retirement package at posibleng hindi makabuhay ng pamilya lalo na kung sa mga empleyadong mababa ang posisyon.

    Nakasaad din sa dokumento na ang mga insentibong matatanggap ng mga mapapatalsik na empleyado na nasa ilalim ng early retirement ay ibabatay sa kanilang basic pay noong June 30, 2007.

    Ani Camua, masyadong mababa ang naturang incentive computation, at hindi pa ibinase sa increase na kanilang tinanggap ng nakaraang taon.

    Ipinaliwanag pa niya na ang inflation rate ng taong 2007 ay di hamak na mas mababa sa kasalukuyang inflation rate.

    Ang mabibili aniya ng halagang P100 ng taong 2007 ay hindi mabibili sa kasalukuyan.

    Ayon sa pahayag na inilabas ng NFA Employees Association, kinakailangang irekonsidera ng gobyerno ang implementasyon ng EO 366.

    Binigyang diin nila na ang mandato ng NFA ay magbigay ng seguridad sa pagkain ngunit ang pagkawala ng hanapbuhay ng 800 empleyado ay nangangahulugan ng pagkagutom ng mga pamilyang apektado.

    Idinagdag pa ni Camua na kung sakaling muling tamaan ng krisis sa bigas ang bansa, ay mahihirapan ang naturang ahensya sa aspeto ng manpower na siyang nagsagawa ng price monitoring ng nakaraang taon.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here