OLONGAPO CITY – Kalaboso ang sinapit ng isang kawani ng Mayor’s Office makaraang mahulihan ng mga bala at pampasabog nang salakayin ng pinagsanib na mga tauhan ng Zambales at Bataan Criminal Investigation and Detection Team at Regional Intelligence Division, Region lll ang bahay nito sa Barangay Mabayuan sa lungsod na ito.
Kinilala ZCIDT provincial officer, Chief Inspector Ferdinand Aguilar, ang suspek na si Gilbert Delos Reyes, 36, kawani ng Mayor’s Office at residente ng No. 47-B, Otero Avenue, Barangay Mabayuan.
Ang pagsalakay ay isinagawa batay sa pinaigting na CIDG Flagship Project “Oplan Paglalansag Omega,” ang kampanya laban sa loose firearms, ammunition and explosives. Ang suspek ay dinakip ng pulisya sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Executive Judge Angelo Perez ng RTC Branch 27 ng Cabanatuan City dahil sa paglabag sa PD 1866 as amended by RA 8294 (illegal possession of firearms and ammunition and explosives).
Nakuha ng mga raiding team sa master bedroom ng suspek ang may 11 piraso ng assorted empty magazines sa loob ng camouflage bandolier, 200 piraso ng 5.56 live ammunition at isang rifle grenade na nakatago sa water deposit ng toilet bowl.
Ang suspek ay nasa custody ng Zambales CIDT at pinagharap na ng kasong paglabag sa RA 8294 as amended by RA 10591 sa Olongapo City Prosecutors Office.