Itinuturo ni Rene Dela Cruz ang kanyang palayan na kasalukuyang sinasalanta ng mga peste. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG MALOLOS — Sinasalanta na rin ng mga peste ang ekta-ektaryang palayan sa mga barangay Mojon, Santissima Trinidad, at Barihan dito.
Nasa dalawang linggo nang nananalasa sa mga palayan dito ang mga peste na kung tawagin ay “Ngusong Kabayo” at brown planthopper.
Sa Santissima Trinidad pa lang ay nasa 20 ektarya na ang apektado ng mga peste.
Ayon kay Rene Dela Cruz, pangulo ng city agriculture and fisheries council, natutuyo ang puno ng mga palay at naninilaw ang dahon hanggang sa maubos na ng maubos ang kanilang mga tanim.
Kapag hindi daw ito naagapan ay wala nang matitira sa kanilang pananim na sana ay aanihin na sa katapusan ng Marso. Dahil dito, napipinto aniya ang pagkalugi ng mga magsasaka.
Sa ngayon ay tumugon na daw ang provincial agriculture office at nagpadala na ng eksperto na mag-aaral kung anong uri ng pesticide ang dapat na gamitin para mapuksa ang nasabing mga peste.
Sa ngayon ay nasa mahigit 50 magsasaka na ang apektado ng pestehan sa tatlong nasabing barangay.
Dahil dito ay nananawagan sila sa gobyerno na matulungan sila sa pinansyal dahil sa mga nasalanta ng peste sa kanilang palayan.
Una dito ay nagreklamo na rin noong nakaraang buwan ang mga magsasaka sa Barangay Sipat sa karatig bayan ng Plaridel dahil sa pananalasa din ng brown planthopper sa mga palayan doon.