Maingat na iniaangat ng mg explosive ordnance personnel ang mga vintage bomb na nahukay sa Cuyapo, Nueva Ecija. Contributed photo.
LUNGSOD NG CABANATUAN — Pinaaalalahanan ngayon ng isang eksperto sa explosive ordnance o pasabog ang publiko sa mga tamang gawin kapag nakakita ng anumang vintage bomb sa pagsasabing may panganib pa rin na makapaminsala ang mga ito.
Ayon kay Nueva Ecija Provincial Explosive Ordnance and Canina Unit (PECU) team leader Lt. Ferdinand Galang, sila mismo ay nagsasagawa ng information campaign upang maiwasan ang pagkapahamak ng sinuman lalo’t nagkakasunod-sunod ngayon ang pagkatagpo ng mga ordinaryoing sibilyan sa mga vintage bomb.
Nitong nagdaang linggo ay magkasunod na insidente ng pagkadiskubre ng vintage bombs ang naitala sa magkahiwalay na bayan ng Nueva Ecija, ayon kay Galang. Kinabibilangan ito ng limang “explosive remnants of war” na 76mm cartridge sa Barangay Manileng, Cuyapo, Nueva Ecija nitong Aug. 11 at isang projectile 57mm sa San Leonardo nitong Aug. 10.
“Ito pong mga bala na ito, ito po’y ginagamit na bala sa kanyon o nung panahon po na ‘yun sa mga Scorpion tank,” paglalarawan ng opisyal.
Maaari pang sumabog ang naturang mga bala, ayon sa opisyal: “Kasi generally, all explosives are sensitive to shock, heat, and friction.”
Bago maiulat sa Cuyapo police station na siyang nakipag-ugnayan sa PECU ay naiangat na ng mga nakatagpong magsasaka ang dalawa sa limang vintage bomb. Mabuti na lamang, ayon kay Galang, at hindi nabigla ng galaw sa mga ito.
Sa proseso ng imbestigasyon ay nahukay naman ng mga EOD personnel ang tatlo pa.
Matagumpay namang na-demilitarized ng PECU personnel ang mga ito.
Pinuri ng opisyal ang mga magsasaka sa ginawang pagtawag sa lokal na pulisya dahilan kaya nakipag-ugnayan ang tangggapan ni Cuyapo police chief Col. Erwin Ferry sa PECU.