Ayon kay League of Cities of the Philippines president at Angeles City Mayor Ed Pamintuan, karamihan sa mga ipinatawag na mayors ay nagsipuntahan sa Malacañang.
Sa dami daw nito ay inabot pa ng tatlong batches para magpunta sa Malacañang at ipinakita ni Duterte ang makapal na listahan ng mga mayors, governors, judges, barangay captains at mga pulis na sangkot sa ilegal na droga.
Ipinasa na daw ni Digong ang listahan sa DILG para ipatawag at magpaliwanag ang mga alkalde.
Blangko daw sila sa partikular na mga pangalan ng mga sangkot na alkalde at baka daw sa ngayon ay may mga ipinatawag na ang DILG ng mga pangalang sangkot sa ilegal na droga.
“Come out clean at huwag nyo akong lolokohin o kung hindi ay haharapin ninyo ang galit ng president. Do it now. Tulungan nyo ako…,” ito daw ang mga partikular na sinabi ni Duterte sa pagpupulong.
“Kapag lumaban kayo at kahit na mayor kayo at hindi nyo tinigilan ito… you vanish,” ayon pa daw sa Pangulo.
Inutos din daw ni Duterte na gamitin ng mga alkade ang mga intelligence fund para sa pagsawata ng droga.
Sa huli ay nagusap-usap naman daw ang mga alkalde na gawin ang pakikipagtulungan para matapos na ang problema ng droga sa bansa.
Ayon pa kay Pamintuan, malaking porsiyento na ng ilegal na droga ang nasawata sa Angeles magmula nang simulan ang kampanya laban dito.
Mula noong Hulyo hanggang sa kasalukuyan ay nasa 55 katao na daw ang napatay dahil sa paglaban ng mga drug personalities sa mga otoridad.