Edad kwarenta’y seis

    944
    0
    SHARE

    SA UNANG Sabado ng susunod na taon, madaragdagan na naman ang edad ko.

    Huli kong sinulat ang tungkol sa sarili ko noong ako ay kwarenta’y uno pa lamang. Nadagdagan na naman ako ng limang taon. May pagbabago ba?

    Kung noon ay natututunan na akong mahalin ng byenan ko, ngayon ay mas mahal na niya ako kaysa sa mapagmahal kong asawa. Malaki na rin ginugugol kong pera sa Fitness First Pampanga pero mas lumaki ako ng limang kilo.

    Sabi ng trainor ko, kailangan kong magbawas pa ng 12 kilos. Ibig sabihin, ibabalik ko ang aking timbang noong ako ay 30 years old pa lamang. Sayang naman ang aking mga bagong pantalon at barong.

    Sa edad na kwarenta’y seis (Gerard, anak, ibig sabihin nito ay 46), hindi na ako nagdadala ng kuna, stroller, o gatas at tsupon sa sasakyan dahil dalaga na ang aking mga anak. May boyfriend na nga ang panganay ko (puppy love lang siguro).

    Natatakot na ako na baka pag dating ng kanilang debut ay magpakasal na agad o kaya ay maitanan. Wag naman sana. Gusto ko pang makita na makatapos sila ng pag-aaral at makapagtrabaho bago magsilakihan ang kanilang tiyan.

    Hindi na rin ako mahilig tumingin sa mga pictures na nananatili na lamang sa memory cards. Bagkus ay palagi ko na lamang tinitingnan ang mga pictures ko sa Throwback Thursday at nagmumuni muni na kailan kaya babalik ang ganoong kabataan… upang masaktan lamang sa realidad na hindi na iyon babalik. Haist (ayaw itong gamitin ng anak kong si Gabby kasi jejemon word daw), hindi na talaga maibabalik iyon.

    Sa google, nag-uumpisa na akong magsearch ukol sa Viagra pero natatakot pa rin na ikonsulta sa aking duktor ang mga epekto nito. Baka naman kasi kontra ito sa sangdamukal na maintenance drugs na aking iniinom mula nang ako ay maatake sa puso tatlong taon na ang nakakaraan.

    Sa epekto ba nito ako natatakot o sa kahihiyang ipaalam sa aking duktor ang interest ko rito? Hindi magtatagal, baka nga maging isang matalik na itong kaibigan. Aminin ko man sa hindi, unti unti na ring nanghihina ang aking pagkalalaki, kasabay ng pagnipis ng aking buhok. Minsan, iniisip ko na maging liberated na lamang at magpakinis ng buhok tulad ni IBP President Paul.

    Dati rati, yung mga elementary at high school students lang ang namumupo at nagmamano sa akin. Ngayon, pati na mga college students at maging ng mga batang coteachers ko na dati ko ring naging estudiante. Kay bilis lumipas ng panahon. Marami ng pagbabago. Nagugustuhan ko na ang manood ng National Geographic, ng Discovery Channel at History Channel. Nato-tolerate ko na rin si Mike Enriquez sa kanyang 24 Oras.

    Nagagawa ko ng basahin pati Business Page sa dyaryo. Wala na akong gana sa mga telenovela na paulit ulit na lamang nawawala ang mga anak at sa huli ay magkikita rin, o kaya naman ay may mga super powers ang mga bida laban sa sukdulang kasaamaan ng mga kontrabida.

    Kailan ba magkakaroon ng telenovela na sasalamin sa totoong buhay ng Filipino? Sana nga ay abutan ko pa ito. Maaga na rin akong inaantok at hindi lalagpas sa alas kwatro ng umaga kung ako ay magising. Naging aktibo na rin ako sa mga charity events at sa mga organisasyong may kinalaman dito tulad ng IBP Pampanga
    Chapter at ng Mexico Scholarship Foundation.

    Kalaunan pa, mag miembro na rin ako ng Rotary at maging adviser ng Senior Citizens Affairs Office. Walang isang buwan ang lilipas na hindi ako makakarinig ng namatayang magulang ng isang kaibigan.

    Sa edad naming ito, karaniwang nasa sisenta pataas na ang aming mga magulang at isa-isa nang kinukuha ni Lord. Kapag kami ay nasa ganoong edad na rin, kami na ang maibabalita. Kaya naman bilib ako sa mga taong umaabot ng edad otsenta at minsan ay nobenta.

    Pero sa kabila ng mga pagbabagong inaasahan, maligaya akong nagkakaedad. Naibibigay ko na ang mga pangangailangan ng aking pamilya. Naibibigay ko rin ang mga pangangailangan ni Tatay, maging ng mga kamag-anak na walang katapusan ang pangangailangan.

    Nakakapasyal na rin sa ibang bansa at nakakakain sa mamahaling restaurant. Kung tutuusin, lahat ng iyan ay material na bagay lamang. Lahat iyan ay pwedeng maglaho kahit sa isang iglap. Ang mahalaga sa pagdagdag ng aking edad ay ang aking pamilya. Ang mga anak ko ay nagpapakita ng kahusayan, at disiplina na nagbibigay ng walang hanggang kagalakan.

    Hindi na rin ganoong kaselosa ang asawa ko na lalo pang naging mapagmahal at super asikaso, lalo na kung maibigay ko na ang sobreng pamalengke (peace, Dear). Hindi ko rin palalagpasing pasalamatan ang lahat ng taong aking nakasalamuha at nakakasalamuha sa araw-araw.

    Natuto na rin ang aking mga staff sa law office sa halos araw araw na sermon; naging self-sufficient na rin ang Punto! sa wakas (konti lang) dahil sa napakagaling at masisipag na staff; wala ng nangdudugas sa aking pandesalan at restaurant; magagaling din ang mga katuwang ko sa aming resorts; maaasahan na mga secretaries at Legal Manager, law office partners, business investors, at mga good paying clients (sige, kasama na rin yung mga not so good-paying); mga kaibigan na laging nandiyan kung kailangan; at siempre, ang Panginoon sa patuloy na paggabay nya sa aming lahat. Salamat sa 2013.

    Hindi ko kayo malilimutan kahit ako’y abutin pa ng isang daang taon. Kung aabot pa nga ako ng ganoong edad. Maligayang Pasko at Masaganang Bagong

    Taon sa Lahat!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here