Edad kwarenta y uno

    765
    0
    SHARE
    Marami ang nagsasabi na nag-uumpisa raw ang buhay ng lalaki sa edad kwarenta. Marahil nga ay totoo ito. Sa edad na kwarenta, inaasahang estado na ang kalagayan ng ating pamumuhay, mayroon ng bahay, sasakyan, sapat na ipon, nakakapag-aral na mga anak, asawang nagsawa na sa kakaselos, at biyenan na natutunan ka ng mahalin. Sa edad na ito, hindi ka na naaasiwa kapag ikaw ay pinu-pupo ng iyong nakababatang kausap…. maliban na lamang kung ito ay isang dilag na iyong pinagnanasaan. Nakakapamuhay ka na ng nais mo at nagkakaroon na ng dignidad ang mga sinasabi mo.

    Sa pisikal naman na kaanyuhan, hindi naman maikakaila na ikaw ay nasa kalagitnaan na ng iyong inaasahang pamamalagi sa mundong ito…iyon ay kung aabutin mo pa ang otsenta. Hindi ka na kasinlakas noong kabataan mo. Ni hindi ka na nga makatakbo ng limang beses sa loob ng basketball court, o makalangoy ng isang daang metro na walang tigil, mahina na rin ang paningin mo, palagi ka ng nagpapatina ng buhok (iyon ay kung may natitira pa rito), lumalabas na ang mga sakit mo sa katawan na hindi mo naman nararamdaman noon, at higit sa lahat – marami na ring nagkakaproblema sa paghindik ng kanilang pagkalalaki.

    Nag-uumpisa ka ng mairita sa maharot na tugtog ng usong kanta. Hindi ka na makasunod sa bagong indak ng pinakasikat na sayaw. Okey na sa iyo ang videoke sa saliw ng musika nina Marco Sison, Hagibis, Rico J. Puno o kaya ay Eagles, Queen, Phil Collins at Duran Duran. Hindi ka na rin makahabol sa galing ng mga anak mo sa computer o kaya ay sa mga videogames tulad ng GTA (Grand Theft Auto). Paborito mo na ring manood ng mga current events at news reports sa TV at magbasa ng dyaryo.

    Sa mga nabanggit, mas totoo sa karamihan ang pisikal na pagbabago ng edad kwarenta kaysa sa deskripsyon ng estado ng pamumuhay. Marami pa rin sa ganitong edad ang hindi pa establisado ang pamumuhay, isang kahig-isang tuka, nagkakaproblema pa rin sa tuition fee ng kanilang mga anak, walang pambili ng gamot o pera upang maagapan ang anumang lumalalang karamdaman, nangungupahan pa rin ng tirahan, at walang sapat na trabaho ng naaayon sa kanyang pinag-aralan. Ang masakit pa ay ang kasalukuyang dinadanas na pandaigdigang krisis sa ekonomiya. Aba, mahirap yata ang matanggal ka sa trabaho sa ganitong edad. Una ay mahihirapan ka nang makahanap ng bagong trabaho lalo pa at ang mga kasabayan mo ay mga matitikas na kabataan na may mga bagong kaalaman. Pangalawa, mas marami ang naghahanap ng mga bagitong empleyado na wala pang reklamo sa sweldo at trabaho. Saan ka nga ba pupulutin kapag nagkataon?

    Tulad ng limitasyong pisikal, nakakapagod ding makipagsabayan sa mga nakababata sa larangan ng paghahanap ng trabaho. Pero hindi batid ng mga kapitalista, mas kapakipakinabang ang mga empleyadong edad kwarenta paitaas dahil bukod sa lawak ng kanyang eksperiensa, malamang ay mananatili rin syang tapat sa sinumang pagtratrabahuhan hanggang siya ay magretiro sa edad sisenta.

    Lahat tayo ay tatanda, kukulubot ang balat, lalabo ang mata, hihina ang memorya at ang pandinig…mamamatay, ililibing at dadalawin kapag Todos los Santos ng mga mahal natin sa buhay. Marahil, sa edad kwarenta nga siguro dapat mag-umpisa ang buhay – kung saan ay may sapat ka ng isipan upang maintindihan ito ng lubusan at gawing kapakipakinabang bago ka man lamang bawian ng buhay. Sa edad na ito mo dapat simulan ang hindi mo pa nagagawa para sa iyong sarili, pamilya at sa lipunan, kung sakali mang hindi mo ito naumpisahan ng mas maaga. Panahon din ito upang maituwid mo ang mga baluktot at pagkakamaling nagawa mo sa mga nakalipas na taon. Kesa mangamba at malungkot sa inaasahang pagtanda, ang mga nasa edad kwarenta paitaas ay dapat tumanda ng may kahulugan sa sarili at kabuluhan sa lipunang ating ginagalawan. Hindi pa nga huli ang lahat…
     
    nasa kalagitnaan pa lang tayo ng buhay.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here