Ebola Reston virus pwedeng nagmula sa paniki

    412
    0
    SHARE
    MALOLOS CITY – May posibilidad na ang Ebola Reston virus sa mga baboy na nilipol sa bayan ng Pandi ay nagmula sa mga paniki, ayon sa isang mataas na health official.

    Ayon kay Dr. Eric Tayag ng National Epidemiology Center ng Department of Health (DOH), hindi pa nila tiyak kung saan nagmula ang Ebola Reston virus na nadiskubre sa mga baboy sa bayan ng Pandi, ngunit sinabi niya na may posibilidad na nagmula ito sa paniki.

    Ang hindi nakakahawahang Ebola Reston virus ay isang uri ng filo virus na karaniwan sa mga unggoy lamang natatagpuan, at ang pagkakadiskubre nito sa mga baboy noong nakaraang taon ay ang kauna-unahang insidenteng naitala sa mundo.

    Ayon sa mga dalubhasa, ang Ebola Reston virus ay “kapamilya” ng kinatatakutang Ebola virus na  natagpuan sa mga unggoy sa Zaire, Sudan, Cote I’Voire sa Ivory Coast, at sa Bundibugyo kung saan ito ay naging sanhi ng hemorrhagic fever sa mga biktima nito.

    Ayon kay Tayag, makikipag-ugnayan sila ngayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa pagsasagawa ng surveillance sa lahat ng uri ng paniki..

    “We suspect that the virus came from fruit bats but that is not definite yet,” aniya.

    Sinabi niya na ang kanilang hinala ay batay na rin sa pag-aaral ng mga dalubhasa na nakatuklas na may Ebola Reston virus  sa mga paniki sa Afrika.

    Hinggil naman sa kung paano nahawa ang mga tao sa ebola reston ay walang ibinigay na paliwanag si Tayag.

    Ngunit sa kanyang powerpoint presentation ay nakasaad na posibleng nagmula ang virus sa mga paniki at nahawa ang mga baboy, at posibleng  nahawa naman ng mga tao sa pamamagitan ng pagkain ng karne o kaya ay sa handling ng mga karne sa mga matadero.

    Kaugnay nito, pinangunahan ni Gob. Joselito Mendoza ang pagkain ng lechong baboy kahapon bilang pagpapasalamat at natapos na ang problema sa Ebola Reston virus sa lalawigan at upang patunayang ligtas kainin ang karneng baboy mula sa Bulacan.

    “Kahit naman noong meron pang case ng Ebola Reston virus ay safe kumain ng karneng baboy,” ani Mendoza.

    Nagpahayag din siya ng pag-asa na makakabangon na sa mga susunod na araw ang industriya ng pag-aalaga ng baboy sa Bulacan, at sinabing tutulungan ang mga malililit na nagsisipag-alaga o backyard hog raisers na nasalanta mula panoong 2007.

    Sinabi naman ni Dr. Joy Gomez, ang provincial health officer ng Bulacan at provincial spokesperson sa Ebola Reston virus na matagumpay ang depopulation ng mga baboy sa Pandi.

    Gayunpaman sinabi niya na magsasagawa sila ng mga konsultasyon sa nasabing bayan upang mawala ang takot ng mga tao.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here