MARILAO, Bulacan—Tampok ang mga electric power vehicles (e-vehicles) o mga sasakyang de-kuryente sa pagdiriwang ng taunang Earth Day sa SM City Supermall sa bayang ito noong Martes, Abril 22.
Kabilang sa mga sasakyang de kuryente na itinanghal sa bayang ito ay ang jeepney, quadcycle, tricycle at at motorsiklo na pawang pinaaandar ng kuryente. Ang unang tatlong produkto ay nilikha ng Philippine Utility Vehicle Inc., (PhUV) at ang mga motorsiklo ay mula sa CDR King Inc.
Ayon kay John Marasigan, sales manager ng PhUV, ang mga e-vehicles ay isa sa tugon sa pagbabawas ng greenhouse gas na ibinubuga ng mga sasakyan sa himpapawid. Ipinagmalaki niya na bukod sa hindi nagbubuga ng usok ang e-jeepney, ito ay matipid din sa konsumo ng enerhiya.
Ang e-jeepney ng PHUV na nakapagsasakay ng 13 katao ay kayang bumiyahe ng 70 kilometro sa isang full charge.
Ang isang full charge sa 12 bateryang may tig-anim na voltahe ay tumatagal ng pitong oras at nagkakahalaga lamang ng P150.
Ang isang e-jeepney ay kayang tumakbo sa bilis na 45 kilometro bawat oras, at ito ay nagkakahalaga lamang ng P750,000. Ayon kay Marasigan, sa kasalukuyan ay may 150 e-jeepney na matatagpuan sa mga pangunahing lungsod sa bansa tulad ng Makati, Cebu at sa isla ng Boracay.
Ang California ec-bikes naman na ibinebenta ng CDR King ay may halaga sa pagitan ng P9,900 at P38,800.