BOCAUE, Bulacan—Nasungkit ng mga mag-aaral ng Dr. Yanga’s Colleges Inc.,(DYCI) sa bayang ito ang ikalawang gintong medalya sa World Robot Olympiad (WRO) sa loob ng tatlong taon.
Ang medalyang pilak naman ay iniuwi ng Philippine Grace Christian College na katulad ng koponang DYCI Primes ay nakipagtunggali sa open category sa 2012 WRO na isinagawa sa Sunway Resort and Spa Hotel sa Kuala Lumpur, Malaysia mula Nobyembre 9 hanggang 11.
Ang unang kampeonato ng DYCI sa WRO ay nakamit noong 2010 kung kailan, ang tunggalian ay isinagawa sa SM Convention Center sa Lungsod ng Pasay.
Ayon kay Romyr Gimeno, head coach ng DYCI Primes, hindi nila inaasahan na magwawagi dahil sa mahuhusay din ang mahigit 30 koponang lumahok sa open category na nagmula sa halos kasing daming bansa tulad ng Russia, China, Hongkong, Singapore, South Africa at iba pa.
“We thought that we will not make it to the finals, because we initially thought teams representing countries are better than ours,” ani Gimeno.
Ngunit matapos ang tatlong araw na kumpetisyon namayani ang DYCI Primes.
“I am so glad that our team members remain focused on their objectives,” ani Gimeno patungkol kina Claire Recili Renosa, Chelsea Andrea Morales at Trisha Carmela Santos, pawang mag-aaral ng DYCI High School na nakabase sa Barangay Wakas sa bayang ito.
Sa panahon ng kumpetisyon, sinabi ni Gimeno na ang kanilang robot na tinawag na HERO o Humanoid for Educational Reinforcement Operation ang pinakamatangkad sa taas na 5’6".
“Height is might in the robotics competitions because you can add more functions,” ani ng head coach at sinabing bago sila tumulak patungong Malaysia ay binawasan pa nila ito ng anim na pulgada upang magkasya sa kahon.
Matatandaan na sa Philippine Robot Olympiad (PRO) na isinagawa sa SM North Edsa Annex noong Setyembre, ang robot na si HERO ay may taas na halos anim na talampakan.
Sa kabila ng pagbabawas ng taas ng robot, sinabi ni Gimeno na napanatili nila ang kakayahan ng robot.
Ayon sa kanya, si HERO ay nakadisenyo at nakaprograma upang magsilbing tulay mga tao sa pamamagitan ng edukasyon.
Ang pagbuo kay HERO ay binigyang inspirasyon ni Efren Penaflorida, kaya’t ang kinalalagyan nito ay mistulang isang modernong “kariton classroom.”
Ayon kay Gimeno, si HERO ay nagsisilbing kaagapay ng mga guro sa pagtuturo sa pamamagitan ng pagpapakita ng ilang tricks na kinagigiliwan ng mga kabataan. Sa kasalukuyan, mahigit 100 mag-aaral na ang naturuan ni HERO.
Kabilang sa mga kakayahan ni HERO ay magpakita ng kakayahang inaasahan sa mga guro tulad ng facial expression.
Kaya din ni HERO na makipaglaro ng ‘jack en poy” sa mga bata bilang bahagi ng “ice breaker” sa pagtuturo ng guro.
Upang higit na mapukaw ang atensyon ng mga mag-aaral, nagpapakita ng mga presentasyong biswal si HERO tulad ng mga nagsasayaw na robot.
Bilang kaagapay ng guro sa pagtuturo, si HERO ay may kakayahan din video lessons sa mga Ingles, Agham at Matematika. Pagkatapos ng video lesson, nagsasagawa ng ebalwasyon si HERO sa mga sagit ng mag-aaral at nagbibigay pa ng premyo tulad ng kendi sa mataas ang naging grado.
Ayon kay Gimeno, si HERO ay nakadisensyo rin para sa pangangalaga sa kalikasan sa pagmamagitan ng paghihiwalay ng mga plastic at papel na inilalagay sa magakahiwalay na basket ng basura.
Noong 2010, nasungkit ng DYCI ang unang kampeonato sa WRO ng kanilang iprisinta ang robot na tinawag na “PNoy” na siyang tawag kay Pangulong Benigno Aquino na nagwagi sa halalan noon taong iyon.
Noong nakaraang taon, muling kinatawan ng DYCI ang bansa sa WRO na isinagawa sa Abu Dhabi kung saan ay iprinisinta nila ang robot na si Magis o Man’s All-around Global Interactive Solutions.
Ngunit hindi pinalad na magkampeon ang DYCI sa WRO noong nakaraang taon. Sa halip natanggap nila ang pang-apat na karangalan at ang pagkilala na “Best in Technical Design” para kay Magis.
Si Magis ay isang robot na may taas na limang talampakan at may kakayahan na sukatin ang blood pressure ng tao at maging ang temperatura ng katawan.