LUNGSOD NG BALIWAG (PIA) — Patunay ng malaking tiwala ng mga mamumuhunan sa Bulacan at sa lungsod ng Baliwag partikular, ang pagkakatayo at ngayo’y pinalaking Baliwag Central Terminal, na matatagpuan sa northbound lane ng Daang Maharlika sa Lungsod ng Baliwag, Bulacan.
Iyan ang ipinahayag ni Department of Trade and Industry DTI Acting Provincial Director Coco Chanel Garcia-Yap sa ulat ng ahensiya kaugnay ng kalagayan ng paglalagak ng mga negosyo sa lalawigan.
Ipinaliwanag niya na dahil sa pagkakaroon ng ganitong klase ng pasilidad, nagsisilbi itong ‘investors’ magnet’ upang humatak pa ng karagdagang mga mamumuhunan at magbukas ng maraming oportunidad sa trabaho. Patunay aniya ito sa mainam na pagtutulungan ng pamahalaan at ng pribadong sektor.

Taong 2015 nang pumasok sa public-private partnership ang noo’y Pamahalaang Bayan ng Baliwag at ang SM Supermall. Ito ang nagpasimula na mapataas ng antas ng sistema ng transportasyon sa Baliwag, at nakatulong para mapaluwag ang daloy ng trapiko sa bahaging ito ng Daang Maharlika.
Unang nabuksan sa publikong mananakay ang Baliwag Central Terminal noong 2016 at sinimulang palakihin pagpasok ng mga taong 2020s kung saan 6,000 square meters pa ang naidagdag.
Dinisenyo ito na mas lalong maging passenger-friendly tulad ng pagdaragdag ng mga upuang hantayan, pinainam na mga bus loading and unloading bay, at ligtas na pilahan ng mga dyip at mga tricycle. Kumpleto na sa mga bilihan ng pasalubong dahil sa pagkakaroon ng One Town, One Product kiosks at isang fitness facility.
Pinakabagong pamumuhunan na pumasok sa commercial spaces ng Baliwag Central Terminal ang Ace Builders hardware, kung saan dito inilagak ang pinakamalaking branch sa Asya.
Ayon kay Baliwag City Mayor Sonia Estrella, patunay ang pasilidad na isang investors-friendly ang Baliwag. Matatandaan na ginawaran ng Special Citation ang lungsod ng Philippine Chamber of Commerce and Industry noong 2025, dahil sa pananatiling epektibo ng mga patakaran sa pagnenegosyo tulad ng mabilis na pag-aapruba ng business permit.
Katunayan, katabi ng naturang terminal ang Baliwag Government Center kung saan matatagpuan ang modernong Business One-Stop Shop kaya’t lalong bumilis ang aplikasyon at mga proseso sa paglalagak ng puhunan sa Baliwag.
Nandito rin ang mga tanggapan ng Baliwag Chamber of Commerce and Industry, sangay ng Baliwag Polytechnic College, Baliwag Star Arena, Climate Change Center at ang Community Environment and Natural Resources ng Department of Environment and Natural Resources.
Samantala, muling hinikayat ni Mayor Estrella ang mga potensiyal na mamumuhunan na patuloy na maglagak ng negosyo sa lungsod dahil marami pa aniyang non-agricultural land dito na uubrang paglagakan upang lalong dumami ang trabaho dito.(CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)



