LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pormal ng isinalin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pamamahala ng isang Shared Service Facility (SSF) sa Bulacan State University (BulSU).
Ang P2.217-milyon SSF project na isang Food Processing and Food Testing Laboratory ay binubuo ng limang klase ng makinarya: vacuum sealer, oven, foot sealer, High-Performance Liquid Chromatography, at Fat Extraction System.
Ayon kay DTI OIC-Regional Director Brigida Pili, pinasimulan ito noong 2016 upang matulungan ang mga micro, small at medium enterprises (MSMEs) sa kanilang pangangailangan sa pananaliksik at laboratory analysis.
Nagpasalamat naman si BulSU President Cecilia Gascon at nangakong magiging mabuting tagapangalaga at maayos na paggamit ng mga kagamitan at pasilidad.
Samantala, umaasa si DTI OIC-Assistant Regional Director at concurrent Bulacan Provincial Director Edna Dizon na mas marami pang makikinabang sa naturang SSF bilang serbisyo sa mga MSMEs ng buong rehiyon.
Hinikayat pa nya ang BulSU na lumikha ng mas marami pang programa upang maging mas kilala at mabigyang pansin ang mga produktong likha ng mga MSMEs.
Ito na ang ika-218 SSF project ng ahensya bilang donasyon sa mga kwalipikadong cooperators sa Gitnang Luzon. (CLJD/VFC-PIA 3 may kasamang ulat si Michael Liboon, intern)