Home Headlines DTI, inilahad ang mga naisulong na programa sa ilalim ng Duterte Administration 

DTI, inilahad ang mga naisulong na programa sa ilalim ng Duterte Administration 

807
0
SHARE

Si Richard Simangan, ang OIC-Provincial Director ng Department of Trade and Industry sa Nueva Ecija. (PIA File Photo)


 

LUNGSOD NG CABANATUAN – Inilahad ng Department of Trade and Industry o DTI ang mga nadagdag na programa ng ahensiya sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Ayon kay DTI OIC-Provincial Director Richard Simangan, madami ang mga nasimulang programa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon na nakatutok upang maging holistic ang pagbibigay serbisyo ng ahensiya at pag-abot sa mas maraming Micro Small and Medium Enterprises o MSMEs.

Kabilang sa mga proyektong ito ay ang Kapatid Mentor ME, Negosyo Serbisyo sa Barangay, ang pagbibigay ng ayuda o pondo upang lalong mapalawak ang mga programang One Town One Product na naging OTOP Next Generation at iba pa.

Paliwanag ni Simangan, taong 2018 nagsimulang ilunsad ang NSB na ang konsepto ay maibaba ang mga serbisyo ng tanggapan sa mga liblib na lugar o mga barangay.

Aniya, ang mga serbisyo na inihahatid ng NSB ay pareho sa mga Negosyo Center gaya ang pamamahagi ng libreng impormasyon, serbisyo at mga kasanayang may kaugnayan sa pangkabuhayan at pagnenegosyo.

Sakop din ng programang NSB ang pamamahagi ng mga livelihood kit sa mga kwalipikadong MSME sa barangay bilang tulong sa mga may nakatatag na o magsisimula pa lamang sa pagnenegosyo.

Sa taong 2021 lamang ay nasa 23 ang nailunsad na pagsasanay sa ilalim ng NSB sa lalawigan na kung saan 121 ang nabigyan ng mga livelihood kit at inaasahang magpapatuloy pa hanggang sa susunod na taon na kasama sa mga pinondohang proyekto ng ahensiya.

Sa ilalim naman ng OTOP Next Generation Program ay mas pinalawak ang oportunidad para sa mga lokalidad sa pagtukoy ng mga potensiyal na mga produktong isinusulong at makatutulong sa mas maraming MSME.

Ngayong nananatili pa din ang epekto ng pandemiya ay ginagawa lahat ng DTI ang makakaya upang masuportahan ang mga nagnenegosyo na makabawi sa epekto ng COVID-19.

Pahayag ni Simangan, kabilang pa sa mga nakalinyang programa para sa mga MSME sa lalawigan ay ang tuloy-tuloy na pagbibigay kasanayan, pagdaraos ng mga trade fair, at ang ilulunsad na sariling online platform at mobile application na kung saan itatampok at madaling makabibili ng mga produktong gawa sa Nueva Ecija. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here