LUNGSOD NG SAN FERNANDO – Pormal nang pinasinayaan ang bagong Pag-Abot Processing Center ng Department of Social Welfare and Development sa Capitol Compound nitong Dec. 2.
Pinangunahan ang pagbubukas ng pasilidad nina DSWD Secretary Rex Gatchalian, Gov. Lilia “Nanay” Pineda, at DSWD Region 3 director Venus Rebuldela.
Gaya ng nakasaad sa pangalan nito, ang center ay literal na paglapit sa mga nangangailangan at naglalayong tulungan ang mga taong walang tirahan, palaboy, at pulubi; bigyang kalinga ang mga batang lansangan, biktima ng pang-aabuso, at iba pang nasa panganib at ihanda silang makabangon at makabalik sa mas maayos na pamumuhay.



Kabilang sa mga serbisyong iniaalok ng Pag-Abot Processing Center ang pansamantalang tirahan; pagkain at pangunahing pangangailangan; serbisyong medikal at psychosocial; assessment at case management; referral sa edukasyon, kabuhayan, o pangmatagalang shelter; at family tracing at reintegration, kung ito ay possible.



Maaaring tumanggap ng tulong mula sa center ang mga taong natutulog sa lansangan, mga batang lansangan, mga na-rescue sa anti-mendicancy at rescue operations, iba pang indibidwal na nangangailangan ng agarang tulong
Ang DSWD Pag-Abot Processing Center ay nagsisilbing pansamantalang kanlungan at sentro ng kalinga para sa mga taong nasa lansangan at iba pang bulnerableng sektor ng lipunan.
Pampanga PIO/Photos: Daniel Ombina



