IBA, Zambales (PIA) — Nagbigay ng karagdagang tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ng mga biktima ng insidente malapit sa Bajo de Masinloc.
Kabilang na riyan ang Mental Health and Psychosocial Support session na isinagawa ng mga social worker ng ahensya.
Ayon kay DSWD Regional Director Venus Rebuldela, nagkaroon ng bahagyang trauma ang mga pamilya ng 11 survivor at tatlong mangingisdang pumanaw dahil sa insidente at emotional distress dahil sa kawalan ng kita.
Samantala, naglaan ang ahensya ng kabuuang P90,000 para sa educational assistance ng may 11 anak ng naturang mga mangingisda.
Nasa proseso na rin upang mapabilang ang kanilang mga pamilya sa Sustainable Livelihood Program.
Umabot na sa P190,000 halaga ng tulong ang naibigay ng DSWD kung saan P70,000 ay food assistance; P90,000 educational assistance at P30,000 para sa burial assistance.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa pamahalaang bayan ng Subic sa Zambales sa pagmonitor ng kalagayan at pagbibigay tulong sa kanila. (CLJD/RGP-PIA 3)