SUBIC, Zambales – Nahulog sa bitag ng mga tauhan ng Zambales PNP ang isang drug pusher sa isinagawang operation sa Purok 6A, Bracero St., Barangay Calapacuan, ng nasabing bayan.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Zambales Police Provincial Office, kinilala ang suspek na si Michael Williams, alyas “Bombay”, 37, at residente ng Putok 3, Barangay Asinan Proper, Subic.
Ang suspek ay dinakip ng team na pinamunuan ni Sr. Inspector Jelson Dayupay matapos na mapagbilhan ng isang plastic sachet ng shabu sa halagang P300 ang isang police poseur buyer.
Narekober sa pag-iingat ng suspek ang isang kalibre 9 mm. pistol na may limang buhay na bala at isang coin purse na naglalaman ng anim na heat-sealed transparent plastic sachets ng shabu na nagkakahalaga ng P2,000 at marked money,
Ang suspek ay nasa custody ng Subic PNP at ipinagharap na sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng R.A 9165 at paglabag sa PD 1866 as amended by RA 8294 o illegal possession of firearms and ammunitions.