Ikinakasa na ang frame para sa big screen ng drive-in cinema sa SM amphitheater. Kuha ni Rommel Ramos
LUNGSOD NG SAN FERNANDO — Puspusan na ang preparasyon ng SM City Pampanga para sa Drive–In Cinema Experience.
Abala na ang mga trabahador sa pagwe–welding ng frame para sa big screen gayundin ang paglalagay ng mga marker sa parking lot para sa mga manonood ng sine. And drive-in cinema ay nasa lugar ng SM amphitheater sa may likuran ng mall at katabi ng Sky Ranch.
Walang nagpaunlak ng panayam mula sa SM Supermalls para sa detalye ng drive-in cinema dahil ang SM Cinema daw ang nangangasiwa dito. Ngunit ayon sa impormasyon, sa July 30 ay gagawin na ang pre-screening dito.
Biyernes hanggang Linggo ng 5:30 ng hapon at 8:20ng gabi ang operasyon ng cinema na sisimulan naman sa July 31.
Ang ticket ay nagkakahalaga ng P400 na may kasamang tubig, popcorn, at beef franks.
Sabik naman na ang ilang cabalen sa drive–in cinema na nakausap ng Punto! news team.
Gaya ni Gerard Bucud, maganda aniyang alternatibong panonood ito ng pelikula na hindi na bababa ng sasakyan na kasama pa ang buong pamilya lalo na ngayon na kailangan ang social distancing dahil sa pandemya.
Para naman kay Romeo Angeles, sa ganitong paraan ay malilibang na ang kaniyang pamilya at sama-samang manonood ng sine sa loob ng sasakyan at hindi mainip sa bahay.